Dear Dr. Love,
Isa po akong masugid na tagasubaybay ng inyong kolum dito sa Doha, Qatar. Tawagin ninyo na lang akong BENHART. Nais ko po sanang humingi ng payo sa inyo kung tama ang desisyon kong hiwalayan na ang aking asawa.
Kasal po kami ng 12 years ng asawa ko, meron nang dalawang anak. Nagsisikap ako na maitaguyod ang aking pamilya kalakip ang sobrang pagtitiwala at pagmamahal sa aking asawa. Pero sa kabila ng lahat, nagawa pa rin niyang makipagrelasyon sa kumpare ko.
Nalaman ko ang lahat ng ito nang nandito na ako sa Qatar. At kinumpirma ito ng aking asawa nang tawagan ko siya. Nalaman ko rin na hindi ko anak ang bunso. Kaya pala kamukha ng kumpare ko.
Dr. Love, gusto ko man kunin ang aking mga anak na nasa pangangalaga ngayon ng nanay ng aking asawa, hindi ko magawa. Dahil wala ring titingin sa kanila. Wala na kasi akong mga magulang. Doon ako nagsusustento.
Ngayon, pilitin ko man muling magmahal, parang nakakadala. Sana balang araw makahanap ako ng makakasama ko habang buhay at matatanggap ang mga anak ko.
Marami pong salamat at sana, mabigyan ninyo ako ng tamang payo.
Benhart
Dear Benhart,
Dahil karaniwang problema iyan ng mga OFWs (hindi naman lahat), may lumang awitin na nauso noong dekada 80 na pinamagatang “Napakasakit Kuya Eddie.”
Ituring mo na lang na mapait na panaginip ang nangyari sa iyo at harapin mo ang nalalabing panahon sa buhay mo na may bagong pag-asa. Umaasa ako na makakatagpo ka ng bagong partner na iibigin mo at iibig din sa iyo ng tapat. Tungkol sa iyong mga anak, medyo masalimuot na proseso ’yan kung magde-demand ka ng custody. Daraan iyan sa hukuman at natural - gagastos ka ng malaki. Isa pa, paano mo sila kukunin kung nasa ibang bansa ka? Marahil, mag-isip-isip ka na kung paano ka makakapag-retiro para magbalik ka na lang sa Pilipinas at mag-negosyo sa perang naimpok mo.
Dr. Love