Nangangarap na mag-abroad
Dear Dr. Love,
Isa pong mapagpalang araw ang pagbati ko sa inyo at sa lahat ng kasamahan ninyo sa NGAYON.
Isa po akong karaniwang maybahay, may masipag na esposo at tatlong anak na may edad 16, 14 at 10 taong gulang. Bale wala na po akong inaalagaang maliit na bata kaya parang naiinip na ako sa bahay.
Nahuhumaling po ako sa pag-aaya ng aking mga kababata na mag-abroad bilang domestic helper. Para makatulong ako sa aking asawa sa pagpupundar ng aming kabuhayan. Hindi naman nagrereklamo ang aking mister sa pagbubukid. Gusto ko lang po maiangat ang aming buhay gaya ng mga kababayan naming naging OFW.
Hanggang second year high school lang po ang inabot ko, kaya batid kong mahihirapan akong makahanap ng trabaho bukod sa pagtitinda ng gulay mula sa sinaka ng aking asawa.
Pero noong dalaga pa ako, apat na taon din akong nanilbihan sa isang pamilya sa Maynila kaya kahit paano ay may karanasan ako sa mga gawaing bahay.
Nang sabihin ko ito sa aking mister, ayaw niyang pumayag. Mas masaya siya na nasa bahay ako, inaasikaso siya at ang pangangailangan ng aming mga anak lalo na’t sila ay lumalaki na.
Gusto ko sanang umalis kahit ayaw ni mister pero nagdadalawang-loob ako dahil sa mga nababalitaan kong kaso ng mga minaltratong OFWs, mga nakulong at nadaya ng mga ahensiya ng pangangalap ng trabaho.
Payuhan po ninyo ako. Sa kalagayan ko ngayon, nais ko rin namang makatikim ng pagtuntong sa ibang lupain. Maraming salamat po at itago na lang ninyo ako sa pangalang Ditas ng Batangas.
Gumagalang,
Ditas
Dear Ditas,
Hindi ko nais na magdesisyon para sa iyo sa idinulog mong problema. Pero bibigyan kita ng mahahalagang impormasyon o datus na makakatulong sa paggawa mo ng desisyon.
Unang-una, tutol ang iyong mister sa pag-alis mo dahil mas kailangan ka niya at ng inyong mga anak. Ang kapalaran ng iyong mga kababata ay hindi mo kapalaran.
Pangalawa, puwede ka namang kumita sa bahay at puwede ka namang mag-aral ng ibang alternatibong hanap-buhay tulad ng pagmamanicure at pagpuputol ng buhok na pagkakakitaan mo kahit hindi ka aalis ng bansa.
Siguro kung ganap ka nang sanay sa bagong bokasyon, puwede ka uling mag-try na mag-ambisyon pa-abroad lalo na kung malalaki na o mga dalaga’t binata na ang mga anak mo.
Mahirap ang makibagay sa ibang tao na may ibang kultura na hindi mo nakagawian.
Ang pangingibang bansa para magtrabaho ay hindi pagpapasarap o pagliliwaliw. Sa sandaling makatapos na ang mga anak mo at may sapat na kayong pondo puwede naman kayong mamasyal ng iyong asawa.
Hindi masama ang mangarap pero dapat na maging praktikal ka at unahin mo muna ang kapakanan ng pamilya. Sana, maunawaan mo ang mga pagunitang ito ni Dr. Love.
DR. LOVE
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa [email protected].)
- Latest
- Trending