Nagsisisi sa pagkakasala
Dear Dr. Love,
Mula dito sa malungkot na bilangguan, namulat ako sa reyalidad ng buhay na mali ang aking naging pamantayan para mabuhay. Ang pagnanakaw bilang paraan para matustusan ang pangangailangan ng aking pamilya.
Dahil nang makulong ako, ang pamilyang nais kong itaguyod ay iniwan ako. Ikinahiya ang baluktot na prinsipyo ko sa buhay.
Ang paniniwala ko kasi noon, Dr. Love, na inapi ako ng lipunan kaya’t nasa lipunan din ang obligasyon para maitaguyod ko ang aking pamilya.
Lubos kong pinagsisisihan ang lahat. At umaasa na mabigyan ng magandang pagkakataon para mapatunayan sa lahat ang aking pagbabago.
May pagkakataon pa kayang mabuo ang aming pamilya? Mapatawad pa kaya ako ng aking asawa gayundin ng aking mga in-laws? Sana po ay pagpayuhan ninyo ako.
Maraming-maraming salamat po.
Sumasaiyo,
Joel
Dear Joel,
Sa nalalapit mong paglaya, ihanda mo ang iyong sarili sa mga susunod pang hamon sa buhay mo. Tatagan mo ang iyong sarili sa mga tukso at sikaping makapagsimula ng malinis na pamumuhay. Tanggapin mo kahit ang pinakamababang antas ng paghahanap-buhay, magtulak ng kariton o magbenta ng kalakal sa junkshop.
Dito mo lubos na maipapakita sa iyong mga mahal sa buhay ang tapat na pagbabago.
Habang may buhay, may pag-asa. Mabait ang Panginoon, tumawag ka sa Kanya at hindi ka Niya pababayaan.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa [email protected].)
- Latest
- Trending