May mahal na iba
Dear Dr. Love,
Nawa’y sapitin kayo ng liham na ito na nasa mabuting kalusugan. Ngayon pa lang gusto ko nang magpasalamat sa atensiyong ibinigay ninyo sa liham ko.
Itago n’yo na lang ako sa pangalang Mr. Leo, 31 yrs. old.
Kasalukuyang nagtatrabaho ako sa Dubai bilang isang engineer. Meron akong isang anak at kasama ang kanyang ina sa bahay na aking pinagawa.
Hindi kami kasal ng nanay ng anak ko. Mahal na mahal ko ang anak ko pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matutunang mahalin ang nanay niya, na 5 taon ang tanda sa akin at may dalawang anak sa pagkadalaga, sa magkaibang lalaki.
Noong nakaraang taong 2009, nakilala ko sa chat si Michelle, dalaga na nagtatrabaho sa Singapore. Niligawan ko s’ya ‘online’ at sinagot naman n’ya ako. Masaya ako kapag kausap at ka-text s’ya.
Napakadali kong sabihin sa kanya ang salitang ‘i love you’ dahil siguro ‘yun ang nararamdaman ko na hindi ko naman masabi sa nanay ng anak ko.
Sinasabi naman n’ya na mahal din n’ya ako kahit sa pictures at webcam pa lang kami nagkikita. Hindi ko pa sinasabi sa kanya na may 1 anak na ako at balak namin magkita ni Michelle in person sa pagbabakasyon niya sa Mayo.
Natatakot akong sabihin sa kanya na may anak na ako, baka iwasan n’ya ako at ayaw kong mangyari sa amin ‘yun.
Dapat ko na pa po bang sabihin kay Michelle na may anak na ako ngayon o hintayin kong magkita kami sa personal? Nararamdaman ko po na mas mahal ko si Michelle kaya lang iniisip ko ang anak ko ‘pag iniwan ko sila ng nanay n’ya.
Tulungan po ninyo ako kung susundin ko ba ang puso ko at piliin si Michelle o ang nanay ng anak ko na sa loob ng 5 taon ay hindi ko masabing mahal ko s’ya hanggang sa ngayon? O pakasalan na lang ang nanay ng anak ko kahit hindi ko maramdamang mahal ko s’ya?
Lubos na gumagalang,
Mr. Leo
Dear Mr. Leo,
Hindi ko puwedeng diktahan ang puso ng ibang tao. Pero sa tingin ko magiging unfair sa ina ng anak mo kung basta mo na lang siya iiwanan dahil may mahal kang iba.
Ngunit yamang hindi ka naman kasal, may laya ka pa’ng pumili ng babaeng pakakasalan. Karapatan mo iyan. Magpaalam ka lang nang maayos sa ina ng iyong anak at huwag mong tatalikuran ang sustento sa anak mo.
Sabihin mo rin sa babaeng mahal mo ang lahat-lahat tungkol sa iyo para huwag pagmulan ng inyong pag-aaway sa hinaharap.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa [email protected].)
- Latest
- Trending