Nobya ang ginantihan
Dear Dr. Love,
Isang mapagpalang araw sa inyo.
Lumiham po ako para ihanap ng solusyon ang kawalan ng katahimikan ng aking puso at isipan.
Ang akala ko, dahil nakaganti na ako sa nang-api sa aking nobya, matatahimik na ang aking buhay. Hindi pa rin pala.
Narito ako ngayon sa bilangguan dahil nakapatay ako. Ikakasal na sana kami ni Brenda kung hindi siya na-rape at pinatay pa ng ulupong na bumaboy sa kanya, na sa kalaunan ay natuklasan ko na kaibigan ko. Nais nilang pagbayarin ang nobya ko sa pagkalas ko sa kanila.
Hindi ko napigilan ang aking sarili at inilabas ang dalang mga patalim. Mabilis ko ito itinarak sa aking kaibigan na ikinalagot ng kanyang hininga. Naaresto naman ako.
Dati akong lulon sa mga masasamang bisyo pero nagbago ako dahil kay Brenda.
Bagaman ang akala ko, naiganti ko na ang kasintahan, parang may kulang pa sa buhay. Wala akong masumpungang katahimikan ng isip.
Payuhan po ninyo ako. Lubha akong naguguluhan.
Ferdie Sonza,
I-D College Dept.
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Ferdie,
Hindi ka matahimik sa kabila nang paghihiganti mo sa nangyari sa iyong nobya dahil inuusig ka ng konsiyensiya.
Inilagay mo kasi sa iyong mga kamay ang paghihiganti.
Dapat sana’y nagdemanda ka at ipinailalim sa prosesong legal ang pagkamatay ng iyong kasintahan.
Hindi rin marahil nais ng yumao mong nobya na makulong ka dahil nga sa insidenteng naganap sa kanya. Kung magugunita mo, inilayo ka ni Brenda sa masama. Bumalik ka uli sa barkada mo nang mawala siya.
Ibinulid ka ng kaibigan mo sa masamang gawain dahil nais niyang tulad nila, ikaw man ay dapat na kamuhian ng sosyedad.
Nang magbago ka at lumayo sa kanila, ang nobya mo ang ginantihan nila.
Pagsisihan mo ang pagpatay sa isang tao. Kahit siya ay masama, buhay pa rin ang inutang mo at labag ito sa batas ng Panginoon.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, MAnila. Maaari rin mag-email sa [email protected].)
- Latest
- Trending