Nais makabangon muli
Dear Dr. Love,
Ito po ang pangalawang liham ko sa inyong malaganap na pitak. Ang una po ay noong nasa piitan pa ako noon taong 2006. Malaya na po ako ngayon, matapos mabuno ang 17 taong sentensiya. Dulot ng pagkakapatay ko sa kalaguyo ng aking asawa.
Nasa Canada na siya ngayon kasama ng aming mga anak. Nakatagpo na rin siya ng makakasama sa buhay doon. Ang hiling ko lang ay alagaan at huwag niyang ipagkait na makilala ako ng aming anak.
Salamat Dr. Love sa mga payong ibinigay mo sa akin na siyang inspirasyon ko. Sisikapin ko pong makabangon muli, bagaman alam kong hindi ito magiging madali para sa isang tulad kong ex-convict.
Pero sa tulong ng Diyos, sa pananalangin kaya kong harapin ang anumang hamon pagdating sa aking buhay.
Hangad ko po ang patuloy na tagumpay ng inyong kolum.
Gratefully yours,
Bernard ng Maynila
Dear Bernard,
Salamat naman at ang pitak na ito ay nakatulong ng malaki sa iyong pagbabagong buhay. Alam kong mahirap talagang mag-umpisa uli mula sa wala, pagkaraan ng matagal na panahong pagkakakulong. Pero sa isang taong may matiim na hangad na makaahon, walang balakid na hindi nalalampasan.
Nawa’y ang aral ng iyong nakaraan ay hindi mo malilimutan.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa [email protected].)
- Latest
- Trending