Ampon
Dear Dr. Love,
Isang masaganang pangungumusta. Ako po si Bernard Lawas, tubong Tagbilaran City, Bohol na kasalukuyang nakapiit sa pambansang bilangguan sa kasong homicide.
Lumaki akong kapos sa maraming bagay lalo pa sa edad na 12 ay pumanaw na ang aking ama, kaya sa murang gulang ay nakipagsapalaran sa Maynila para makatulong sa pamilya.
Pero bigo ako dahil sa kawalan ng sapat na edukasyon kaya bumalik ako sa aming probinsiya. Doon ay nasaksihan ko naman ang pagkahumaling ng aking ina sa ibang lalaki. Umalma ako pero matindi pa pala ang sakit na nakaabang. Matapos ihayag ng aking ina na wala akong karapatan na pigilan siya dahil pinulot lang ako ng aking nasawing ama sa bakuran at kinupkop bilang anak.
Lumayas ako sa bahay namin at dahil sa matinding galit ay nasumpungan na lamang ang aking sarili na makakitil ng buhay.
Walang bumibisita sa akin Dr. Love, tulungan po ninyo akong magkaroon ng kaibigan sa panulat.
Maraming salamat at mabuhay kayo.
Gumagalang,
Bernard Lawas
UPHSD College Dept.
YRC Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Bernard,
Ang pagiging ampon ay hindi dapat maging dahilan para mawalan ng direksiyon ang iyong buhay. bagamat masakit, maaaring may mabigay na dahilan ang iyong mga tunay na magulang nang iwanan ka nila sa bakuran kung saan ka napulot ng iyong kinalakihang ama.
Isa pa, ang muling pag-aasawa ng iyong kinilalang ina ay hindi dapat ikasama ng iyong loob dahil bahagi ito ng buhay.
Pagbutihin mo ang iyong sarili dyan sa loob at isaisip na mabuti sa iyo ang Diyos.
Dr. Love
- Latest
- Trending