Malayo sa isa't isa
Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang po ako sa pangalang “Maira”, 19 na taong gulang at kasalukuyang nasa huling taon na ng aking pag-aaral sa kolehiyo.
Matagal-tagal ko nang sinasarili ang aking suliranin sa pag-ibig sapagkat nahihiya po akong humingi ng payo sa mga kakilala ko. Laking pasasalamat ko at nariyan kayo upang maibsan ang lahat ng ito.
Mahigit tatlong taon na rin po ang long-distance relationship namin ng boyfriend ko. Nagkakilala po kami noong usong-uso pa ang texmate at penpal. Apat na beses pa lang po kaming nagkita, tuwing uuwi siya dahil sa Manila po siya naninirahan samantalang ako’y nandito sa probinsiya. Super close na po kami ng kanyang pamilya lalung- lalo na ang kanyang kapatid kahit na hindi pa po kami nagkikita.
Marami na rin po kaming napagdaanang problema dahilan nga sa nadiskubre kong pambabae niya noon, at sa ngayon po ay naguguluhan po ako sa aming sitwasyon, kung ipagpapatuloy ko pa po ba ang aming relasyon o puputulin na dahil sa malayo po kami sa isa’t isa at hindi ko po namamalayan ang kanyang mga ginagawa at paminsan-minsan na lang po siya kumukontak sa akin. Mahal na mahal ko po siya.
Ano po ba ang dapat kong gawin gayung nanghihinayang ako sa tagal ng aming relasyon at tapat po ako sa kanya.
Maraming salamat po at sana ay matanggap ko agad ang payo ninyo.
Sincerely yours,
Maira ng Capiz
Dear Maira,
Mahirap para sa lalaki ang manatiling tapat lalu pa’t magkalayo kayo. Ngunit kung patuloy ang ginagawa niyang pambababae, hindi mabuting indikasyon iyan lalu na’t magkasintahan pa lang kayo.
Mahalaga sa relasyon ang faithfulness ng bawat isa. Kung wala iyan, malaking problema ang dapat mong asahan sa sandaling makasal kayo at magkaroon ng pamilya.
Hindi ko makikilatis ang boyfriend mo dahil hindi ko kilala. Ikaw lamang ang puwedeng makakilala ng lubos sa kanya. Kung sa palagay mo’y liligaya ka sa piling niya, go ahead with the long distance relationship.
Pero kung concern ka sa isang magandang future, mag-isip-isip ka muna.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa psnlibangan@ philstar.net.ph.)
- Latest
- Trending