Ikinahiya ng asawa
Dear Dr. Love,
Isang magandang araw po ang pahatid kong pagbati sa paborito kong kolumnista. Ang dalangin ko po ay patuloy na magtagumpay ang pitak ninyong ito kasama na ang inyong pahayagang PSN.
Marami po akong nakukuhang aral sa mga lathalain ninyo lalo sa mga payong ibinibigay ninyo sa mga letter senders.
Ako po ay isang detainee sa pambansang bilangguan. Alam kong nagkasala ako kaya’t tanggap ko naman na makulong ako at mapagdusahan ang ginawa kong paglabag sa batas ng Panginoon at ng tao.
Bagaman ako ay nalulungkot sa nangyaring ito sa buhay ko, minabuti kong ipagpatuloy ko ang aking pag-aaral dito para naman maisulong ko ang kaalaman ko sa komersiyo at magamit ko ang pinag-aralan balang araw sa sandaling makalaya na ako sa bilangguan.
Tanggap ko naman na ang isang tulad kong bilanggo ay mahirap makakuha ng tiwala uli sa publiko dahil nga sa nagawang kasalanan. Pero ang hindi ko matanggap, pati ang sarili kong kabiyak ay hindi na ako matanggap. Ikinahiya niya ako sa mga tao.
Kilala ako ng asawa ko na hindi naman masamang tao. Mayroon kasing mga pangyayaring na nagaganap na hindi naiwasan at hindi nakapag-isip ng matino kung kaya’t nagkakaroon ng maling desisyon sa buhay. Nag-asawa ng iba ang asawa ko.
Ang akala ko noon, wala na akong pag-asa pa sa buhay. Pero salamat na lang at dito pala sa piitan, ang isang tulad kong nakagawa ng kasalanan ay nabibigyan pa ng panibagong pag-asang makapagbagong-buhay.
Maraming bagay akong natutuhan dito. Hindi lang pag-aaral kundi kung paano pahalagahan ang buhay at mga bagay na mayroon ako maliit man o malaki.
Sa pamamagitan po ng inyong column, nais kong magkaroon ng mga kaibigan na marunong umunawa sa isang tulad ko.
Maraming salamat po sa pagbibigay ninyo sa liham kong ito at muli, sana ay lumawig pa ang inyong column na Dr. Love.
Lubos na gumagalang,
Apol Sejane
4-D College Dorm
YRC Bldg. Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Apol,
Mataos ding pangungumusta ang nais ipahatid ng pitak na ito sa iyo. Sana, patuloy kang sumubaybay sa pitak na ito at gayundin ng pagtangkilik sa pahayagang PSN.
Marahil, sa mga nabasa mo nang mga liham ng mga kasamahan mong detainees, halos karaniwan na ang problema sa pagtalikod ng isang babae sa nakulong na asawa.
Sa kaso mo, ikinahiya ka kamo ng kabiyak mo kaya humanap siya ng ibang mahal.
Hindi lang naman iyan marahil ang dahilan. Nariyan ang naghanap ang babae ng lalaking susustento sa kanya at mga anak; nariyan ang natukso siya dahil sa pangungulila at marahil sa iba, nakakita sila ng lalaking higit na makapagpapaligaya sa kanila.
Pero hindi naman iyan ang punto mo kundi ang asawa mo, tumalikod sa kanyang sumpa at hindi ka niya inunawa.
Magkagayunman, talagang ito ay isang malaking pagsubok sa iyo kung gaano ka tatagal sa usig ng konsiyensiya at kung paano ka makapagbabago at makapagsisisi sa sala sa kabila ng mga hinaharap na problema.
Pagbutihin mo ang pag-aaral at reporma sa sarili para maging maaga ang paglaya mo at muli kang makabangon sa sariling pagsisikap, pagkaraang mapagsisihan ang kasalanan.
Good luck sa iyo at sana makatagpo ka ng mga kaibigan.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa [email protected].)
- Latest
- Trending