Ayaw nang magtiwala sa babae
Dear Dr. Love,
Kamusta po kayo? Ang dalangin ko, patuloy kayong nasa mabuting kalagayan, libre sa problema at karamdaman.
Ako po si Reynaldo “Rey” Mahinay, taga-Bataan na nakulong sa salang pagpatay na wala naman akong kinalaman.
Bago ako nakulong, isa lang akong simpleng mamamayan, isang contractual laborer na kung walang proyekto, ang trabaho naman ay pangingisda.
Noong Oktubre 1, 1996, sa hindi ko malamang pangyayari, inaresto ako ng mga pulis sa bahay ng aking kapatid sa Bataan. Dumanas ako ng matinding pahirap para umamin sa kasong isinampa sa akin.
Nang nalilitis na ang kaso, ang naging problema ko, wala akong alam sa pangyayari. Ang malungkot, ang babaeng testigo laban sa akin ay kasama pala nang maganap ang pangyayari. Marami siyang kasinungalingang sinabi laban sa akin. Siya pala ay girlfriend ng napatay, isa ring taga-Limay, Bataan.
Hindi ako nakakuha ng mahusay at pribadong abogado dala ng kawalan ng pera. Kaya nasentensiyahan ako at nalipat dito sa Muntinlupa. Maaaring natuwa ang babaeng tumestigo at nagdiin sa akin sa ginawa niyang kasinungalingan.
Napapaniwala niya sa nilubid niyang kasinungalingan ang complainant sa kaso. Pero ako, malaking perwisyo ang nagawa niya sa akin. Nawalan na ako ng kalayaan, namatay pa ang tatay ko sa himutok sa nangyari sa akin, sinira pa ng babaeng yaon ang aking reputasyon at kinabukasan.
Hindi ako mamamatay tao. Paano ko pa mapapaniwala ang mga tao na hindi ako kriminal sa sandaling makalaya na ako?
Ang aking ina ay walang tigil ang pagluha sa tuwing dumadalaw dito sa akin. Pati kapamilya ko apektado ng maling paratang sa akin. Marahil, hindi ninyo ako masisisi kung sa ngayon, parang ayaw kong magtiwala sa mga babae maliban nga lang sa aking kapatid at iilang anak ni Eva na marunong umunawa.
Dito sa piitan, ibinuhos ko ang sarili at panahon sa pag-aaral sa vocational training school sa ilalim ng TESDA. Maraming kursong mapagpipilian. Nakatapos na ako ng ilan at ngayon, ang pinagtutuunang pansin ko ay ang paggawa ng handicraft. Marami namang mga dalaw na bumibili ng aming yaring produkto na siyang nagagastos ko sa arawang pangangailangan.
Salamat po sa pagbibigay puwang ninyo sa liham kong ito at nawa’y magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat. Ang dalangin ko, patuloy pang lumaganap ang pitak ninyong Dr. Love.
Lubos na sumasainyo,
Reynaldo Mahinay
Dorm 4-C YRC
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Reynaldo,
Nakikisimpatiya ang pitak na ito sa nangyari sa iyo kung nagsasabi ka ng katotohanan sa liham mo.
Kung tunay ngang isa ka lang fall guy, puwede ka pang umapela dito kung mayroon kang bagong pruweba na wala ka sa eksena nang maganap ang patayan. Kailangan mo nga lang ay mahusay na abogado at pondong magagastos para sa apela. Mayroon ding prescribed na panahon sa pagsasagawa ng apela sa kaso at hindi ko sigurado kung ilang buwan o taon pagkaraang maibaba ang hatol.
Ang sabi mo, pinahirapan ka para umamin na ikaw ang salarin. Kailangan ding patunayan na ang babaeng nagdiin sa iyo ay mayroong ibang motibo o mayroong kuwestiyon ang karakter.
May ilang taon ka na ring nakulong at nag-aaral ka diyan sa loob para magkaroon ng alternatibong mapagkakakitaan sa sandaling lumaya ka na sa piitan. Mabuting hakbang iyan para mapaunlad ang sarili. Ipagpatuloy mo iyan at ang pagpapailalim sa rehabilitasyon para mapaaga ang paglaya mo.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa [email protected].)
- Latest
- Trending