Dear Love,
Magandang araw po. Ako po ay nasa gitnang silangan at dito nakikipagsapalaran sa buhay. Itago n’yo na lamang ako sa pangalang Aviegail.
Dito’y nakilala ko ang isang lalaki na may pamilya sa Pilipinas. Isa po akong single, pero parang pinagtagpo po kami ng tadhana. Mahal niya ako at mahal ko din siya, hanggang sa umabot ang isang hindi magandang pangyayari sa asawa niya sa Pilipinas na nagkaroon ng lalaki at ito’y nagpa-abort.
Nalaman niya ito sa kanyang ina at kapatid. Bunga nito ay nagdesisyon na rin siyang hiwalayan ito at ituon niya ang buhay niya sa akin.
Umabot din sa puntong nagpapalitan kami ng masasakit na salita sa Facebook account hanggang dumamay ang pamilya ng babae, hanggang sa mapunta sa puntong kakasuhan daw ako.
Ang pagkakaalam ko hindi naman sila kasal ng asawa niya.
At ni-minsan hindi naramdaman ng lalake ang pagmamahal sa babae kundi pineperahan lang siya.
Ngayon tama lang ba ang gagawin kong pagsama sa kanya, Dr. Love? Dahil handa siyang buhayin ako at dahil naibigay ko ang pagmamahal na hindi naibigay ng kanyang asawa.
Isa pa po hindi po ako tunay na babae kundi pusong babae lamang. Tama bang sa akin niya ibigay lahat ng sahod niya imbes na gastusin at lustayin ng asawa niya?
Lubos na gumagalang,
Aviegail
Dear Aviegail,
Kung totoong common law wife lang ng boyfriend mo ang babaeng iniwan niya sa Pilipinas at hindi sila kasal, walang puwedeng humadlang sa desisyon mong sumama sa kanya.
Kaya lang ihanda mo ang sarili mo kung lusubin ka ng babaeng ‘yun at ng kanyang pamilya. Pero sa tingin ko’y wala naman silang magagawa dahil walang legal basis ang ano mang aksyong gagawin nila.
At kahit sabihin pang kasal sila, ‘yung ginawang pangangaliwa ng babae ay isang matibay na ground para lusawin ang kasal.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa psnlibangan@philstar.net.ph.)