Dahil sa barkada
Dear Dr. Love,
Isang taos-pusong pagbati ng kapayapaan at kagalakan sa pinagpala ninyong pitak na Dr. Love.
Isa po akong masugid ninyong tagasubaybay. Dennis Paolo Mercurio, 29 years old at isang bilanggo sa pambansang piitan. Nais ko pong ibahagi ang kwento ng aking buhay para kapulutan ng aral lalo na ng mga kabataang kadalasan ay nababarkada.
Mas pinahalagahan ko noon ang barkada na inakala kong hindi mang-iiwan. Mali man o tama nakasalig ako sa kanila. Huli na nang matanto ko na sobra ang aking ginawang pagtangkilik sa mga kabarkada. Nakulong ako dahil sa sobrang pakikisama.
Nang malugmok ako sa pagkakasala, naglaho silang parang bula. Ang pamilya ko lang ang nagsilbing sandalan ko sa kinakaharap na problema.
Ngayon na nakilala ko na ang Diyos na Siyang mas matatag na sandalan sa pagbabago, namulat din ako sa katotohanang walang mapapala sa barkada kung ang mga ito ay siya lang maglulugmok sa iyo sa masamang gawain.
Naka-sampung taon na po ako sa pagsisilbi sa aking sentensiyang 12-18 years. Sana po sa nalalabi ko pang panahong ititigil dito sa piitan ay makatagpo ako ng mga tunay na kaibigan na siyang magsisilbing inspirasyon ko sa buhay, sa paggawa ng mabuti sa kapwa.
Sa tulong ninyo, sana po ay magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat na siyang makapagpapabuhay ng kulay sa aking paligid ngayong ito ay nasa kadiliman pa.
Maraming salamat po at mabuhay kayo.
Lubos na umaasa,
Dennis Paolo Mercurio
Dorm 4-B YRC Bldg.
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Dennis,
Salamat sa liham mo at hangad ng pitak na ito na makatagpo ka ng mga tunay na kaibigan na magtuturo sa iyo sa tamang direksiyon ng buhay.
Hindi masama ang makipagkaibigan. Kailangan ng tao ang magandang pakikipagrelasyon sa kanyang kapwa. Pero hindi naman nangangahulugan ito na maging bulag ka sa kanilang maling ginagawa. Ang mabuting kaibigan ay nagtuturo ng kabutihan, hindi kasamaan.
Mabuti at namulat ka sa katotohanan pero ang kapalit nito ay ang iyong pagkakabilanggo. Mabuti at natutuhan mong humingi ng kapatawaran sa Panginoon na iyong pinagkasalahan at natanto mo ring walang ibang dadamay sa isang taong iniwanan ng mga kaibigan kundi ang mga magulang at kapatid.
Pagbutihin mo ang rehabilitasyon diyan sa piitan at sa pagtitika mo, matiim na ipangako sa sarili na hindi ka na uli mararahuyo sa barkada para muling matuksong gumawa ng hindi mabuti.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa psnlibangan@ philstar.net.ph.)
- Latest
- Trending