Wanted: Baby Maker
Dear Dr. Love,
Magandang araw po sa inyo at sa mga tagasubaybay ng column na ito. Masugid akong tagahanga at ngayon ay umaasa na ako’y inyong matutulungan. Tawagin na lang ninyo akong Mr. R, binata at 42 years old na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Sa edad ko pong ito ay gusto ko na rin magkapamilya subalit sadyang hindi ako pinalad na makakita ng babaeng mamahalin habambuhay. Hindi po ako madaling umibig at siguro po ang mapait kong karanasan sa pag-ibig ay nagiging hadlang din.
Kaya ngayon po ay naisip ko kung mas mabuti na maghanap ng baby maker na makakatulong na mabiyayaan ako ng sariling kong anak kapalit ng tulong na pinansiyal.
Alam ko po na ang binabalak ko ay hindi ayon sa moralidad na kinagisnan, pero kapag tinimbang ko ang maidudulot na saya sa buhay at sa mga taong nagmamahal sa akin, ay lalo lamang tumitindi ang plano kong ito.
Sa nalalapit kong pagbalik sa Pilipinas, sana po sa tulong ninyo ay makakilala ako ng babaeng magiging daan para ako’y magkaroon ng anak na mamahalin at itataguyod. Sa mga magnanais na sumulat sa akin pakibigay nalang po ang email address ko.
Maraming salamat,
Dear Mr. R,
Tama ang sinabi mong hindi ayon sa moralidad ang plano mong kumuha ng isang babae para lamang anakan at bayaran para sa sanggol mo na isisilang niya.
Kung ang nagiging sagabal sa paghahanap mo ng lifetime partner ay ang masaklap mong karanasan, sikapin mong ibaon ito sa limot. Hindi mo man nasabi kung ano ang karanasang ito, naniniwala akong marami pa ring babae riyan na karapatdapat na mahalin at pakasalan
Ang pamilya ay kailangang kumpleto. May mag-asawang babae at lalaki at anak. Kung hindi ganyan, baka nagbibigay ka ng hindi magandang halimbawa sa iyong magiging anak. Anak mo ang magsa-suffer lalu na kapag nagkaroon na siya ng sapat na isip at malamang produkto siya ng iyong pagbabayad sa isang babaeng magsisilang sa kanya.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa psnlibangan@philstar.net.ph. )
- Latest
- Trending