Dear Dr. Love,
Magandang araw po at nawa’y sumainyo ang mga biyaya at pagpapala ng Poong Maykapal.
Tawagin mo na lang po akong Noel, 33 years old, tubong Iligan City.
Sa murang edad ay namulat na ako sa kahirapan kaya naman sa halip na pagpapatuloy ng pag-aaral, paghahanap ng mapapasukan ang pinagtuunan ko ng pansin. Hangad ko ang makatulong sa aking mga magulang.
Sinuwerte ako at natanggap bilang factory worker, sinuwerte rin ang aking puso noong panahon na iyon dahil nakilala ko si Myra.
Kasabay ng pagyabong ng aming relasyon ay ang plano naming paghahanda para sa pagpapakasal. Kilala na ako ng kanyang pamilya kung saan naging malapit sa akin ang kapatid niyang si John.
Isang gabi, kumatok at nakiusap si John na makitulog sa bahay. Ilang saglit lang dumating ang kaklase niya. At sa aking pagkabigla kasunod ng pag-alis nito ay pagkatok naman ng pulis. Dala ang bag ni John na may bawal na gamot.
Kasama ako sa dinampot, dumipensa ako pero nauwi sa wala. Naubos lahat ang aking ipon. At ang masakit ako ang sinisisi ng pamilya ni John sa pagkakulong niya, maging ni Myra na nawala rin sa buhay ko.
Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matanggap ang nangyari sa aking buhay.
Nag-aaral ako ngayon dito sa loob bilang paghahanda sa aking paglaya. Ang pangamba ko lang, may magtitiwala pa kaya sa isang tulad ko.
Nais ko rin pong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.
Salamat po Dr. Love sa pagbibigay ninyo ng puwang sa liham kong ito.
Sumasainyo,
Noel Bracero
College Student Dorm 4-D
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Noel,
Minalas kang madamay sa kaso ng dapat sana’y sa bayaw mong si John. Naging accessory ka sa krimen dahil sa pagpapatuloy mo sa kanya at pagpayag na maganap sa iyong tirahan ang bilihan ng bawal na gamot.
Natunugan na marahil si John ng mga pulis kaya nakituloy sa iyong tirahan. Buy-bust operation ba ang nangyari?
Huwag kang mawalan ng pag-asa. Bagaman minalas ka, makakabangon ka rin sa kinalaunan. Basta tuluy-tuloy ang pagbabagong buhay mo at tiwala sa Maykapal.
Dr. Love