Marupok na pangako
Dear Dr. Love,
Warm greetings na kasing init ng panahong dala ng El Niño!
Ako po si Eddie Agaton, 37 years old mula sa lalawigan ng Batangas.
Nasa pambansang piitan po ako ngayon dahil napatay ko ang nagtangkang humalay sa asawa ko, pinsan niya.
Nangyari po ang lahat sa loob mismo ng aming tahanan. Wala po akong pinagsisisihan sa nangyari dahil ipinagtanggol ko lamang ang aking asawa.
Ngunit ang masaklap, hindi na napanghawakan ng aking misis ang pangakong maghihintay sa paglaya ko. Parang bata akong umiiyak sa harap niya nang dalawin at sabihin mayroon na siyang kinakasama at may dinadala na sa kanyang sinapupunan.
Gumuho ang aking mundo Dr. Love nang mapiit dahil mabibigo na akong matupad ang mga pangarap para sa aking pamilya, pero higit pa pala dito ang kahihitnan ng lahat dahil naging marupok ang aking kabiyak.
May isa po kaming anak, maaari ko po bang kunin ang bata sa sandaling lumaya na ako? Sa palagay n’yo po ba, Dr. Love may magmamahal pa sa akin pagkaraang mabilanggo?
Sa ngayon po, nag-aaral ako dito para paunlarin ang sarili at paghandaan ang inaasam kong muling paglaya sa hinaharap.
Salamat po sa pagbibigay daan ninyo sa liham ko at more power.
Sincerely,
Eddie Agaton
Student Dorm
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Eddie,
Hindi pa huli ang pagbabago at lalong hindi pa huli para makatagpo ng babaeng mamahalin mo at magmamahal sa iyo ng lubos.
May karapatan kang bisitahin ang iyong anak at kung malaya ka na, puwede mong ipitisyon sa korte na ikaw ang magkaroon ng karapatang magpalaki at mag-aruga sa bata.
Sikapin mo ang makalaya agad at magkaroon ng pagkakakitaan para magawa mo ang lahat ng ito at muling maisaayos ang buhay ninyong mag-ama.
Dr. Love
- Latest
- Trending