Dr. Love,
Ako po si Eduardo Hinabe, 24 taong gulang na nakapiit ngayon sa pambansang bilangguan. Laking ampunan po ako at hindi kilala ang aking mga magulang.
Sa ampunan naging kababata ko si Crystal na naging espesyal sa buhay ko. Nagkalayo kami nang may umampon na sa kanya. High school na nang muli kaming magkaroon ng komunikasyon. At nang magkita, nauwi sa pagtatalik dulot ng labis na pananabik.
Mataas ang pangarap ni Crystal at nabago niya ang kanyang kapalaran. Nag-aral siya sa Canada at may maganda nang buhay. Nang ipabatid niyang malapit na siyang bumalik, ninais kong sumunod sa kanya. Para magawa ito, nangdelihensiya ako ng pera. Sumama sa grupo ng holdaper na naging mitsa para sapitin ang kalagayan ko ngayon.
Wala na akong mukhang maihaharap kay Crystal, kaya nang malaman kong nakabalik na siya. Ipinasabi ko na may asawa na ako para magbago ang pagtingin niya sa akin. Pero hindi siya naniwala kaya napilitang i-set up ang sarili para datnan niyang may kaulayaw nang sa gayon ay tuluyan na niya akong kalimutan. Isinumpa niya ako. Napakasakit sa akin nang nangyari pero ayaw kong madamay pa siya sa kabiguan ko.
Pilit ko pong binabago ngayon ang buhay ko. Tulungan po sana ninyo ako na magkaroon ng mga kaibigan sa panulat para magsilbing inspirasyon ko sa hangarin kong ito.
Maraming salamat po at more power.
Eduardo Hinabe
N206 B-1450 YRC Bldg.
MSC, Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Eduardo,
Dakila rin ang pagmamahal mo sa iyong kababata. Ang payo lang ng pitak na ito, kasama ng mga hakbang mo para sa pagbabagong-buhay ay huwag mong kalilimutang dumalangin at humingi ng tawad sa Panginoon para magkaroon ka ng gabay.
Good luck sa iyo at salamat sa sulat mo.
Dr. Love