Iniwan sa ere

Dr. Love,

Hindi sa lahat ng oras nariyan ang barkada.

 Ito ang leksiyong itinuro sa akin ng tadhana. Ako po si Randy Apdasan, 26 anyos; tubong Negros Occidental. Kinse anyos pa lamang ako nang malantad sa iba’t ibang tiwaling gawain kasama ang aking mga kabarkada, na hindi ko akalain mang-iiwan sa akin sa ere.

Sa pag-aakalang sa barkada, sikat ako dahil kinatatakutan at matikas dahil magagawa anuman ang gus­tuhin; tinalikuran ko ang aking pag-aaral at pamilya na noo’y inisip kong hadlang sa aking kaligayahan.

Pero nabago ang pananaw na ito nang madakip ako sa pot session nang maabutan ng mga pulis habang ang aking mga kabarkada ay naka­takas.

Lingid sa aming kamalayan, tini­tiktikan na pala kami ng mga awto­ridad dulot na rin ng mga pagsu­suplong ng aming mga nabiktima sa carnapping at iba pang krimen. Kalaboso ang kinahantungan ko. Dito sa loob, natuto akong magsisi, tuma­wag sa Diyos at humingi ng kapata­waran. Sinisisi ko ang aking sarili dahil binalewala ko ang aking pamilya dahil sa barkadang inakala kong kasangga hanggang sa huli. Dr. Love tulungan po ninyo akong mag­karoon ng mga kaibigan sa panulat na makapagtuturo sa akin ng kabu­tihan. Pagpayuhan mo rin ako kung paano makakaiwas sa ma­samang barkada. Makakapamuhay pa kaya ako nang normal sa san­daling makalaya?

Gumagalang,

Randy Apdasan

Student Dorm

125 Camp Sampaguita

Muntinlupa City 1776

Dear Randy,

Salamat sa liham mo at nawa’y tuluy-tuloy na ang iyong pagpapa­kabuti. Pag-igihan mo ang iyong pag-aaral at sikapin din na makahingi ng tawad sa iyong mga magulang.

Mahal ka ng ating Panginoong Diyos kaya binibigyan ka Niya ng pagkakataong makapagbago. Lagi kang manalangin para mapatatag ang sarili laban sa mga tukso at ma­bigat na mga pagsubok.

Hindi pa huli ang lahat, matutu­tunan mo ring maging tapat sa iyong sarili at bigyan ng respeto ang ibang tao. Sa sandaling lumaya ka na, piliin mo ang sasamahang kaibigan at makinig sa iyong pamilya na siyang gagabay sa iyo sa tamang landas.

Dr. Love

Show comments