Iniwan sa ere
Dr. Love,
Hindi sa lahat ng oras nariyan ang barkada.Ito ang leksiyong itinuro sa akin ng tadhana. Ako po si Randy Apdasan, 26 anyos; tubong Negros Occidental. Kinse anyos pa lamang ako nang malantad sa iba’t ibang tiwaling gawain kasama ang aking mga kabarkada, na hindi ko akalain mang-iiwan sa akin sa ere.
Sa pag-aakalang sa barkada, sikat ako dahil kinatatakutan at matikas dahil magagawa anuman ang gustuhin; tinalikuran ko ang aking pag-aaral at pamilya na noo’y inisip kong hadlang sa aking kaligayahan.
Pero nabago ang pananaw na ito nang madakip ako sa pot session nang maabutan ng mga pulis habang ang aking mga kabarkada ay nakatakas.
Lingid sa aming kamalayan, tinitiktikan na pala kami ng mga awtoridad dulot na rin ng mga pagsusuplong ng aming mga nabiktima sa carnapping at iba pang krimen. Kalaboso ang kinahantungan ko. Dito sa loob, natuto akong magsisi, tumawag sa Diyos at humingi ng kapatawaran. Sinisisi ko ang aking sarili dahil binalewala ko ang aking pamilya dahil sa barkadang inakala kong kasangga hanggang sa huli. Dr. Love tulungan po ninyo akong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat na makapagtuturo sa akin ng kabutihan. Pagpayuhan mo rin ako kung paano makakaiwas sa masamang barkada. Makakapamuhay pa kaya ako nang normal sa sandaling makalaya?
Gumagalang,
Randy Apdasan
Student Dorm
125 Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Randy,
Salamat sa liham mo at nawa’y tuluy-tuloy na ang iyong pagpapakabuti. Pag-igihan mo ang iyong pag-aaral at sikapin din na makahingi ng tawad sa iyong mga magulang.
Mahal ka ng ating Panginoong Diyos kaya binibigyan ka Niya ng pagkakataong makapagbago. Lagi kang manalangin para mapatatag ang sarili laban sa mga tukso at mabigat na mga pagsubok.
Hindi pa huli ang lahat, matututunan mo ring maging tapat sa iyong sarili at bigyan ng respeto ang ibang tao. Sa sandaling lumaya ka na, piliin mo ang sasamahang kaibigan at makinig sa iyong pamilya na siyang gagabay sa iyo sa tamang landas.
Dr. Love
- Latest
- Trending