Pinatawad pero umuulit sa pagkakamali

Dear Dr. Love,

Isa pong mapayapang araw ang bati ko.

Ako si Danny, isa sa masugid na mam­babasa ng inyong pahayagan lalo na po ang pitak na Dr. Love.

Dr. Love nais ko pong hingan ng payo ang sit­wasyon namin ng aking asawa. Natuk­lasan ko po kasi na may iba siyang lalaki. Pero sa kabila nito ay tinanggap ko pa rin siya nang humingi ng tawad at pilit na binuo ang aming pamilya para sa aming baby.

Pero paulit-ulit po niyang binabalikan ang panlalaki at nananawa na po ako. Bagaman nasa akin po ang aming baby ay hindi ko ito ipinagkakait sa kanya.

Dr. Love, pagpayuhan po ninyo ako sa kung ano ang mas marapat kong gawin.

Gumagalang,

Danny ng Muntinlupa

Dear Danny,

Isa ring mataos na pagbati sa iyo at sana’y matamo mo ang hinahanap na kapa­yapaan.

Usisain mong mabuti ang iyong sarili kung sa palagay mo’y makabubuti para sa inyong anak at sa iyo ang pagbabalikan ninyo ng iyong asawa.

Sakaling makumbinsi kang muli, tiyakin mo na makikilala ng iyong misis ang kan­yang pagkakamali. Ikonsidera mo rin ang saloobin ng inyong anak, kung naghahanap ba siya ng ina habang lumalaki.

Dr. Love

Show comments