Dear Dr. Love,
Isang magandang araw po sa inyo pati sa mga kasamahan ninyo sa PSN.
Kabilang ako sa mga masugid na mambabasa ng inyong pahayagan, lalo na ng inyong column.
Lumiham po ako para maibahagi ang masaklap na karanasan sa buhay at pag-ibig.
Mula ako sa mahirap na pamilya. Maagang pumanaw ang aking ama at hindi nagtagal ay nagbakasakali ang aking ina na makahanap ng katuwang sa pangalawa niyang asawa pero kalupitan ang aming natamo sa kanya.
Dahilan para maglayas ako at sa edad na 17-anyos ay nakilala ko si Ness. Sa kabila nang aking estado sa buhay ay ipinaglaban ni Ness ang aming pag-iibigan, na nagbunga.
Akala ko wala nang katapusan ang aming kaligayahan hanggang sa sumapit ang sandali nang kanyang panganganak. Mahina pala ang kanyang puso kaya nag-50/50 sa ospital.
Kinailangan siyang masalinan nang dugo na ayon sa doctor ay nangangailangan din nang malaking halaga. Sinubukan kong lapitan ang lahat nang inaakala kong makatutulong pero nabigo ako. At sa labis na kagustuhang mailigtas ang aking mag-ina nauwi ako sa pagkapit sa patalim.
Nagnakaw ako at ang perang nakuha ay agad na dinala sa ospital, pero hindi rin napakinabangan. Dahil hindi rin nakaligtas si Ness pero buhay ang aming sanggol, na hindi ko na nagawang masilayan dahil kinuha ng mga magulang ng aking asawa.
Agad ding dumating ang mga pulis para ako’y dakpin. Hindi ako nanlaban kaya heto’t nakapiit ngayon.
Dr. Love, masakit ang mawalan ng dalawang pinakamamahal. Doble ang aking pagsisisi.
Sa ngayon, nagsisikap akong makapagpatuloy ng pag-aaral dito para matamo ang karunungan na kinakailangan sa sandaling lumaya.
Nais ko rin pong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat. Nais kong makalimot sa kabiguan ko sa buhay.
Gumagalang,
Rogelio “Elio” Baril
Student Dorm YRC
Cell 4-A
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Elio,
Nakakaantig ng puso ang naging karanasan mo. Pero batid kong malinaw na sa iyo ang naging aral nito dahil humantong ka na sa pagsisisi.
Pagbutihin mo ang rehabilitasyon sa loob gayundin ang pag-aaral mo para sa iyong paglabas ay may sandata ka sa panibagong pakikipagsapalaran sa buhay.
Maghanap ka ng marangal na trabaho saka mo hanapin ang iyong anak at ibigay sa kanya ang iyong pagmamahal bilang ama.
Good luck sa iyo.
Dr. Love