Pakawalan ang mga hinanakit
Dear Dr. Love,
Isang magandang araw sa inyo ang ipinaaabot ko mula dito sa pambansang piitan.
Ako po si Allan, isang inmate sa Muntinlupa National Penetentiary. Nahatulan po akong makulong dahil sa napatay ko ang isa sa mga pumaslang sa aking ama.
Ang tanging ikinasasama lang ng loob ko, mula nang mapasok ako sa kulungan, ni hindi man lang ako dinalaw ng aking mga kapatid at kamag-anakan.
Ang liham ko pong ito ay naglalayong maipaabot sa miyembro ng aking pamilya ang lubos kong pagsisisi at sana man lang, maalala nilang mayroon silang isang kadugong nangungulila sa kanila at humihingi ng pang-unawa.
Sinisisi po ako ng aking mga kapatid sa pagkamatay ng aking ina dahil sa nangyari sa akin bukod pa sa nangyari sa aking ama.
Nadagdag pa sa paghihinagpis ko ang pagtalikod sa akin ng aking asawa na minamahal ko nang labis.
Sa kabila nito, hindi ko gustong sumuko at nabubuhay ang aking pag-asa sa buhay tuwing nababasa ko ang inyong column.
Nais ko rin pong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat para muli kong madama na may halaga pa ang aking buhay.
Umaasa,
Allan Abcede
Dorm 9D2 BOC
Muntinlupa City 1776
Dear Allan,
Alam ng pitak na ito na pinagsisisihan mo na ang paglalagay ng batas sa iyong mga kamay.
Sana, ipagpatuloy mo ang ganap na pagbabago at sa pamamagitan nito, makakaabot sa kaalaman ng iyong mga kapatid na tinalikdan mo na ang pabigla-biglang pag-aksiyon.
Pawiin mo na ang mga hinanakit sa iyong puso at tanggapin mong ang pangyayaring nailahad mo na ay bahagi lamang ng mga pagsubok sa buhay.
Dr. Love
- Latest
- Trending