Sinagip ng mga tunay na kaibigan
Dear Dr. Love,
A pleasant day to you and I wish you happiness and good health.
Tawagin mo na lang po akong Edgar, isang second year high school student sa pambansang bilangguan sa Muntinlupa.
Lumiham po ako sa inyo dahil nais kong mailabas ang matinding kalungkutan ko at pagsasakripisyo dito sa loob dahil sa isang krimeng hindi ko po ginawa.
Bago po ako nakulong, mayroon po akong asawa at anak, pero nagkahiwalay na po kami mula nang ako ay makulong.
Kaya tuloy sa pamimighati ko sa nangyaring ito sa aking buhay, malimit at ilang ulit kong pinagtangkaan na wakasan na ang aking buhay.
Salamat na lang po at mayroon akong mabubuting kaibigan dito sa loob na siyang pumigil sa akin sa mga pagtatangkang ito.
Tinuruan nila akong lumapit sa Panginoon at mamuhay ayon sa kalooban Niya.
Kailan po kaya matatapos ang aking paghihirap na ito? May magtitiwala pa kaya sa akin sa kabila ng lahat?
Payuhan po ninyo ako at sana, mailathala ninyo ang liham kong ito para magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat.
Salamat po sa pang-unawa ninyo at more power to you.
Sincerely yours,
Edgar Laureta
Student Dorm
MSC Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Edgar,
Salamat sa liham mo at ipinaaabot ng pitak na ito, ang mataos naming pagnanais na sana’y mapaglabanan mo ang lahat ng tuksong dumarating sa buhay mo.
Salamat na lang at mayroon kang natagpuang mga tunay na kaibigan diyan na sumagip sa iyo sa gitna nang magulong pag-iisip. Huwag kang mawawalan ng tiwala sa Diyos at sa mga institusyong siyang dapat mong hilingan ng apela para mapawalang sala ka.
Hope for the best always.
Dr. Love
- Latest
- Trending