Muling binubuo ang pangarap

Dear Dr. Love,

Isang mataos na pagbati sa inyo at sa miyembro ng PSN staff.

Ako po si Eddie Agaton, tubong Batangas City at may edad na 28-anyos.

Bagaman ako’y mula sa isang simple at mahirap na pamilya, likas akong mapangarapin. Pangarap kong magkaroon ng sariling pamilya, magkaroon ng maunawain at masipag na asawa at dalawa hanggang tatlong anak.

Para maabot ang pangarap kong ito sa buhay, puspusan akong nag-aral noong nasa grade 5. Pero nauwi ito sa aking paghinto dahil walang sapat na panustos ang aking mga magulang. Namasukan ako kahit sa mabibigat na uri ng trabaho para makatulong sa pamilya.

Nang magbinata, nabarkada at nalantad ako sa bisyo nang pagka-club. Nakilala ko doon si Lily, na naging asawa ko. Nabiyayaan kami ng anak.

Masaya na sana ang aming pamumuhay nang biglang may dumating na pagsubok na humantong sa aking pagkakapiit. Matapos mapatay ang pinsan ng aking asawa na nagtangkang humalay sa kanya. 

Noong una, dinadalaw ako ni Lily, pero hindi nagtagal tinalikuran na niya ako at sinabing may iba na siyang katuwang sa pagtataguyod sa aming anak.

Sinisikap kong bumuo uli ng pangarap sa buhay. Sana matulungan mo po ako. Hangad ko rin pong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.

Salamat po at more power.

Gumagalang,

Eddie Agaton

YRC Bldg., Student Dorm

Camp Sampaguita

Muntinlupa City 1776

Dear Eddie,

Lahat ng tao ay may layang humabi ng mga pangarap. Kahit nakakulong ka, huwag kang mawawalan ng pag-asa sa buhay.

Ang kailangan mo lang ay magpakabuti at gawin mong gabay sa buhay ang hinabi mong mga pangarap. Huwag mo ring kalilimutan ang pagtawag sa Diyos. Ihingi mo ng kapatawaran ang nagawa mong pagkakasala.

Makakatagpo ka rin ng babaeng magtitiwala sa iyo sa kabila ng lahat at mababawi ang res­peto sa iyong sarili.

Dr. Love

Show comments