Nagsisisi sa paglalayas

Dear Dr. Love,

Isa pong magandang araw sa inyo.

Ako po si Joey E. Rio, bilanggo at kasalu­kuyang nag-aaral dito sa pambansang kulungan sa pag-asa na ang edukasyon ang magiging mabisang sangkap para maisaayos uli ang aking buhay.

Labimpitong taon pa lang ako nang maglayas para makipagsapalaran at maka­wala sa hirap ng buhay. Pero mahirap pala. Nagsilbing inspirasyon sa akin si”Puti,” isang pick up girl nakilala ko noong ako’y 20-anyos at naging asawa.

Kahit kapos, masaya ang aming buhay lalo na’t buntis siya sa aming panganay.

Nagbago ang lahat nang mapatay ko ang landlord namin bilang paghihigati nang paputukan niya ako habang papalapit sa kanyang bahay.

Dinatnan ko silang nagtatalo ng aking asawa, tumangging magsabi ang aking misis kung ano ang dahilan kaya nagsadya ako sa bahay ng aming landlord at nangyari nga ang lahat.

Noong una, panay ang dalaw sa akin ng aking asawa pero dumalang ito hanggang sa tuluyang tumigil noong 2008. Nalaman ko na lang na may iba na siya.

Masakit pero wala akong magagawa. Pinipilit kong magpakabuti at magbago dito sa loob. Ngayon ko nagunita ang mga magulang kong nilayasan. Matimbang pa rin talaga ang kadugo.

Sumulat po ako sa pag-asa na matutunton ako ng aking mga magulang kapag nailathala ninyo ito. Nagsisisi ako sa aking paglalayas.

Gumagalang,

Joey B. Rio

4-B YRC Student Dorm

MSC, Camp Sampaguita

Muntinlupa City 1776

Dear Joey,

Kahit pa ano ang sabihin ng iba, kahit pa sabihin mong hindi ka inarugang mabuti ng mga magulang mo noong ikaw ay bata pa, ang kadugo ay mas matimbang at mas magiging matapat kung ihahambing sa mga bagong kakilala at kaibigan.

Inaasahan ng pitak na ito na mayroong mga kakilala ang iyong pamilya na maka­kabasa nito para mai-relay sa mga magulang mo ang nangyari sa iyong buhay. Humingi ka sa kanila ng kapatawaran at ituwid ang iyong mga pagkakamali.

Dr. Love

Show comments