Ayaw nang magtiwala

Dear Dr. Love,

Isa pong masaganang pagbati sa inyo at sa lahat ninyong kasamahan sa pasulatan.

Hindi po ninyo naitatanong, sa isang kagaya kong bilanggo, wala nang nakapagbibigay sigla sa akin kundi ang makabasa ng inyong pahayagan at tunghayan ang inyong column na nakapagbibigay ng bagong pag-asa sa buhay.

Ako nga po pala si James Caneta, 23 taong gulang at tubong Bagong Baryo, Caloocan City.

Ako po ay nakulong sa isang frustrated murder o nabigong pagpatay, isang kasalanang hindi ko naman ginawa.

Sa isang tulad kong pinagkaitan ng hustisya, hindi ninyo maiaalis na mawalan na ako ng tiwala sa kapwa.

Nag-iisa lang akong anak at hindi ko na inabutang buhay ang aking ama kaya’t si Inay lang ang namulatan kong nag-aruga sa akin.

Mahirap lang kami, kaya marahil natalo ako sa kaso.

Kaibigan ko ang may kagagawan ng kaso kong ito. Sa panahon ng pag­li­litis hindi ko siya itinuro sa pag-aakalang hindi niya ako pababayaan gaya nang pangako niya sa akin.

Pero hindi mapanghahawakan ang kanyang pangako. Ako ang nadiin sa kasong ito na hindi ko naman kagagawan. Ang akala ko noon, may isang salita ang barkada kong yaon.

Pero heto ako, siyang nakulong at siya ang malaya.

Ni hindi niya ako dinalaw sa kulungan.

Dahil sa pag-amin ko sa pagka­kasala ng iba, ang tanging babaeng minahal ko ay tumalikod sa akin. Ang balita ko, nag-asawa na siya at may­roon nang anak. Alam ba ninyo kung sino ang napangasawa niya? Ang barkada kong siyang may kagagawan nang inako kong pagkakasala.

Ang alam ko, mahal ako ng Diyos, pero bakit ako ang naparusahan?

Isa ba akong malaking tanga?

Ngayon ko ganap na natanto na may katotohanan pala ang mga napa­panood naming palabas dito sa kulu­ngan. ’Yon bang istoryang nagti­wala pero pinagtaksilan at inahas pa ng nobya.

Bagaman nabanggit kong bakit tila ako nakalimutan ng Lumikha, sa aking pag-iisa alam kong Siya ang aking kasama at pinagkakatiwalaang hindi ako pababayaan.

Bukod sa Panginoon, nariyan pa rin ang aking ina na siya lang duma­ramay sa akin pero dahil sa kaka­pusan ng pera, hindi niya ako nada­dalaw nang madalas.

Sana po, maunawaan ninyo ang damdamin ko at mailathala ninyo ang aking liham para kahit paano ma­ihinga ko ang nagngangalit na poot sa aking puso.

Bigyan po ninyo ako ng maha­lagang payo at maraming salamat sa pagbibigay ninyo ng atensiyon sa problema ko.

Gumagalang,

James Caneta

Prison No. N208. P. 3620

Dear James

Pinagsisisihan mo ang pagtitiwala sa barkada mo na sinasabi mong siyang may kagagawan ng krimeng pinagdurusahan mo ngayon.

Pero bakit hindi mo ito sinabi sa ginanap na paglilitis? Bakit mo inamin ang isang pagkakasala na hindi mo kamo ginawa?

Pinagdurusahan mo ngayon ang inamin mong pagkakasala.

Alam mo, kung kumunsulta ka noon sa abogado (mayroon namang mga gratis na abogado ang gob­yerno) hindi ka magsisisi sa dakong huli.

Pinaniwalaan mo ang barkada na nagnanais lang makalibre sa kaso at inagaw pa ang nobya mo.

Hindi kaya bahagi ng kanyang plano ang sirain ka dahil gusto niyang makuha ang nobya mo?

Nagtaksil man ang kaibigan mo at ang nobya mo, hindi pa naman ma­sa­sabing lahat ng tao ay hindi puwe­deng pagtiwalaan.

Mayroon pang ibang marunong magpahalaga sa pangako at sumpa.

Kailangan nga lang kilatisin mong mabuti ang isang tao, bago pagkati­walaan para hindi ka naman magoyo.

Dr. Love

Show comments