Dear Dr. Love,
Una sa lahat ay binabati muna kita sa napakaganda mong kolum na nakatutulong sa maraming may problema sa puso.
Sana’y umabot sa iyo ang aking liham na nasa mabuting kalagayan ka, Dr. Love. Tawagin mo na lang akong Virgie na nakatakdang ikasal sa Hunyo sa lalaking hindi ko gusto. May kasintahan ako at niyayaya akong magtanan para maiwasan ko ang pagpapakasal sa lalaking tatay ko ang may gusto.
Hindi kami kailanman nag-ibigan ng ipinagkasundong lalaki sa akin. Kahit siya ay napipilitan lamang dahil kapwa istrikto ang aming mga magulang.
Ipinagkasundo lang kami ng aming mga magulang sa isa’t isa. Ito ‘yung tinatawag sa Ingles na betrothal. Matalik daw na magkaibigan ang tatay ko at tatay ng mapapangasawa ko. Ano ang dapat naming gawin ng boyfriend ko?
Virgie
Dear Virgie,
Mahirap talagang turuan ang puso lalo na sa kung sino ang dapat mahalin. Kung mapilit ang mga magulang ninyo at hindi makuha sa pakiusap, may laya kayong mag-boyfriend na gawin ang sa tingin ninyo’y nararapat. Iyan ay kung hindi kayo menor de edad.
Bigyan pa ninyo ng isang pagkakataon para makumbinsi ang inyong mga magulang. Tutal, pareho kayo ng lalaking ikakasal sa iyo na walang gusto sa isa’t isa. Kung hindi makuha sa pakiusap, sige - magtanan na kayo ng minamahal mong boyfriend.
Dr. Love
Sa mga Overseas Filipino Workers na may problema at nangangailangan ng counseling, umugnay sa http://www.ofwonline. ateneo. edu. Ito ay bukas seven days a week. This website project specifically targets OFWs and their families in different parts of the world.