Dear Dr. Love,
Una po sa lahat, isang taos sa pusong pagbati sa inyo at sa lahat na bumubuo ng inyong pahayagang PSN. Ang dalangin ko po, sana lagi kayong nasa mabuting kalusugan at kalagayan sa buhay.
Ako po si Fortunato J. Clasara Jr., 31, years old, tubong Bicol. Kabilang po ako sa libu-libo ninyong tagahanga at ang pakay ko po sa liham kong ito ay maibahagi rin sa inyong mambabasa ang mapait kong karanasan sa pag-ibig na naging dahilan ng aking pagkakabilanggo.
Taong 2001 nang magsimula akong maghanap ng trabaho para makatulong sa aking pamilya. Sa tulong ng Panginoon, natanggap naman ako sa call center. Dito ko nakilala ang babaeng nagpatibok sa aking puso at inalayan ng walang katulad na pagmamahal. Tawagin po natin siyang Erma.
Naging close kami kaagad sa isa’t isa at hindi naman nagtagal, nagtapat ako sa kanya ng pag-ibig na tinanggap naman niya.
Nagkasundo kaming mag-live in at dito ipinagtapat niya sa akin na nagdadalang-tao siya sa ibang lalaki.
Dahil walang bahid-dungis ang pag-ibig ko sa kanya, natanggap ko ang kanyang kalagayan nang maluwag sa aking puso.
Pero isang gabi, pag-uwi ko sa aming tirahan, nadatnan ko siyang may kasamang lalaki at nasa hindi kaaya-ayang senaryo.
Para akong pinagtakluban ng langit at lupa sa pagkabigla. Ang lalaki palang iyon ang siyang ama ng sanggol na dinadala niya sa sinapupunan. Hindi ko napigilan ang sarili sa pagkabigla. Napatay ko po ang lalaking iyon nang hindi sinasadya.
Sa silakbo ng matinding galit at sama ng loob, nasaksak ko siya hanggang mamatay.
Alam po ng Diyos na kabiglaanan lang at hindi natimping sulak ng galit ang nag-udyok sa akin na kumprontahin siya.
Nademanda po ako at nahatulang mabilanggo ng 8 hanggang 14 na taon kaya nandito ako sa pambansang bilangguan.
Malungkot ang aking buhay dito sa loob. Hindi ko maubos maisip ang pangyayaring nagbunsod para ako ay makulong.
Hindi ko rin matanggap na ang kabutihang loob at pagmamahal ko sa aking dating nobya ay susuklian niya ng kataksilan.
Saan po ako nagkamali?
Sa pangungulila ko, ang tanging hiling ko po sa inyo ay mailathala ang liham kong ito para magkaroon ako ng maraming kaibigan sa panulat.
Alam ko pong hindi ninyo ako bibiguin.
Maraming salamat po at more power to you.
Yours sincerely,
Fortunato J. Clasara Jr.
Dorm 219 MSC
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Fortunato,
Bagaman madali ang manisi sa isang naganap na kabiglaan, still ang rule ay dapat pairalin sa tuwina ang kahinahunan.
Sayang ang malinis mong pagmamahal na sinuklian ng pagtataksil ng iyong nobya.
Pero, sa isang dako, talaga marahil na mas mahal ni Erma ang ama ng kanyang dinadalang sanggol at ikaw ay ginawa lang niyang taga-salo sakali’t hindi siya binalikan ng dati niyang kasintahan.
Ang masama nga lang, hindi naging transparent sa iyo ang nobya mo. Kung antimano ay sinabi niya agad sa iyo na bumabalik sa kanya ang ama ng dinadala niyang sanggol, baka naging iba ang takbo ng pangyayari.
Pinagsisisihan mo na ang naganap na trahedyang ito at pumapailalim ka na ngayon sa rehabilitasyon diyan sa bilangguan.
Pagbutihin mo na lang ang pagbabagong buhay at sinakaping hindi na maulit ang pagiging padalus-dalos sa pagpapasya.
Makakatagpo ka pa naman ng ibang babae. Sana ang susunod mong iibigin ay kikilatisin mo munang mabuti bago ibuhos ang iyong pagmamahal.
Dr. Love