Dear Dr. Love,
Magandang araw po sa inyo at gayundin sa inyong mga kasamahan sa malaganap ninyong pahayagan.
Ako po si Romel Teodoro, 28 years-old, tubong Antique at kasalukuyan pong nakapiit dito sa pambansang bilangguan sa salang pagpatay ng tao (homicide).
Naglakas-loob po akong lumiham sa inyo para mailathala ang kasaysayan ng aking buhay. Umaasa po akong sa pamamagitan ng paglalathala ninyo ng liham kong ito, mayroong mga maunawaing pusong makakabasa nito at makikipagkaibigan sa akin sa panulat.
Napakalungkot po ng buhay ko dito sa kulungan.
Dati po, kabilang ako sa mga nagsisikap na makapag-aral noon upang makamit ang magagandang pangarap sa buhay.
Pero ang lahat na pangarap na ito ay ipinagkait sa akin ng tadhana dahil sa isang insidenteng naging daan para ako ay makalaboso.
Naganap po ito isang araw habang ang aking grupo ay nagkakaroon ng kaunting kasiyahan.
Masaya kaming nag-uumpukan kasama ang aming mga kaibigang babae. Walang anu-ano, mayroong mga lalaking lasing na lumapit sa aming umpukan at binastos nila ang mga kasamahan naming babae.
Noong una, pinakiusapan namin ang mga lumapit na kalalakihan na huwag naman nilang bastusin ang aming mga kaibigang babae.
Imbes na makinig, lalo lang nilang binastos ang mga ito.
Nauwi ang pakiusapan sa komprontasyon at sa hindi magandang insidente.
Nagpambuno kami ng mga lalaking ito at hindi namin sukat akalain na mayroon pala silang dalang matalas na kutsilyo.
Naagaw ko ang kutsilyo ng isa sa kanila at naisaksak ko ito sa kalaban ko.
Pagdating ng kaso sa hukuman, inangkin ko ang pangyayari at nagdepensa na nagawa ko lang iyon dahil sa pagtatanggol sa aming karapatan kontra sa kanilang pambabastos.
Gayunpaman, nakulong pa rin ako kaya nandito ako sa pambansang bilangguan.
Umaasa po ako na sa pamamagitan ng inyong column, magkakaroon ako ng mga kaibigan sa panulat para mapawi naman ang aking kalungkutan.
Tanging ang inyong column na ito ang aking inaasahan na makakatulong sa akin para mabawasan ang aking pagdadalamhati sa sinapit ng aking buhay.
Hangad ko po ang patuloy na pagtatagumpay ng inyong column na Dr. Love at asahan po ninyong mananatili akong tagasubaybay ng inyong pitak sa malaganap ninyong pahayagan.
Maraming salamat po at more power.
Lubos na gumagalang,
Romel Teodoro
126 Bldg. I, M.S.C.,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Romel,
Hindi masama ang ipagtanggol ang kababaihan sa mga nambabastos sa kanila.
Pero dapat na pairalin ang kahinahunan at huwag pahintulutang mamayani ang init ng ulo at sikaping maiiwas ang kasamang kababaihan sa anumang gulo. Siguro naiwasan ninyo ang komprontasyon kung nagreport kayo sa barangay sa inasal ng mga lasing na lalaki.
Kung hindi kabisado ang isang lugar na pagdarausan ng kasayahan, sikaping makipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay para maiwasan ang gulo. Maaaring ang mga lasing na kalalakihan ay nayabangan sa grupo ninyo kaya kayo nilapitan.
Hindi talaga magandang binabastos ang mga babae, pero maaaring kaya ginawa ito ng mga lalaking lasing ay dahil talagang naghahanap lang sila ng gulo. Umiral ang ere sa insidenteng ito sa magkabilang panig kaya nauwi sa rambulan at pagkabuwis ng buhay.
Sana, magsilbi na itong magandang aral sa iyo at sa inyong grupo na kung mayroon kayong kasayahan na may kasamang inuman, huwag nang magsama ng mga babae para lalo pa’t sa ibang lugar na hindi ninyo kontrolado ang sitwasyon.
Isa pa, hindi rin dapat na umaabot sa ilalim ng gabi ang pagsasaya lalo pa’t ang lugar ay walang seguridad para makaiwas sa gulo at pagpasok ng masasamang elemento.
Pagbutihin mo ang pagpapailalim sa rehabilitasyon para mabilis ang paglaya mo sa kulungan at sikaping huwag nang maulit ang naganap na insidente.
Dr. Love