Paglaya ko pangarap ko ring magpamilya
Dear Dr. Love,
Happy Holidays!
Nawa’y maligaya kayo palagi at nasa mabuting kalagayan sa buhay.
Nais ko pong ipakilala sa inyo ang aking sarili. Ako po si Richard Tragora, isang inmate dito sa pambansang piitan at dinadasal ko palagi na sumapit na ang araw ng aking paglaya.
Limang taon na po ako dito sa kulungan at sa loob ng isa o dalawang taon, lalaya na rin ako sa hatol na iginawad sa akin ng hukuman.
Nakulong po ako dahil nakasaksak ako ng tao sa pagdedepensa sa aking sarili.
Mainit po noon ang aking ulo dahil nagkahiwalay kami ng aking asawa at tuluyan na siyang hindi nagpakita sa akin.
Mahal ko po ang aking asawa pero marahil nagsawa na siya sa kahirapan kaya nilayasan niya ako.
Sinisikap ko namang kumita kahit pa-ekstra ekstra lang sa konstruksiyon pero pangarap niya ay buhay na maginhawa. Hindi ko naman siya ganap na masisi dahil talagang kulang ang aking kinikita.
Kahit pa kumayod ako nang husto, wala akong pirmihang kita.
Kaya marahil sa kasiphayuan, hindi ko nakontrol ang aking sarili sa nakasagutang may hawak na patalim.
Kulungan ang aking inabot. Malungkot ako. Pero sinikap kong organisahin ang aking sarili at harapin ang binagsakan kong problema.
Awa sa sarili ang kandong-kandong ko sa pag-iisa sa selda.
Naisipan kong magpatuloy ng pag-aaral ng bokasyonal para sa sandaling lumaya na ako, mayroon akong alternatibong kaalaman sa paghahanap ng mapapasukan.
Nais kong magbago na ng buhay. Pangarap ko ring magkaroon uli ng pamilya at sa pagkakataong ito, gusto kong magkaroon na ng matinong hanapbuhay.
Pangako ko sa aking sarili, sa sandaling makalaya na ako, hahanap ako ng isang babaeng iibig sa akin hindi sa pera kundi dahil sa ako ay ako.
Simpleng babae lang ang pangarap ko at sana, may matatag siyang disposisyon sa buhay at marunong magtiis at magtiyaga kung ano ang mayroon kami at saka na lang mangarap nang matayog kung mayroon na kaming bagwis.
Ang pangamba ko lang, baka walang babaeng iibig sa isang ex-convict na tulad ko. Ayaw kong umasa, ayaw kong mabigo. Pero ang kabiguan ay talaga yatang kakambal na ng buhay ng isang tao at iyan ay natutuhan ko dito sa loob mula nang ako ay mabilanggo.
Hopefully, iyan ang dasal ko, ang matagpuan ko rin ang kaligayahang naging mailap sa akin.
Maraming salamat po at God bless you this Christmas and all year round.
Gumagalang,
Richard Tragora
MSC, Student Dorm 124,
Camp Sampaguita
Dear Richard,
Lahat tayo ay nangangarap na magkaroon ng isang maligayang pamilya.
Ang importante nga lang, kailangang tayo ay maging handa sa pagpapamilya.
Hindi lang obligasyon sa asawa kundi obligasyon sa magiging mga supling.
Bilang mga magulang, hindi lang pagkain sa hapag ang dapat isama sa plano kundi paano sila maitataguyod sa pag-aaral.
Ang obligasyong ito ang nakasalalay sa kahandaan ng mga magulang na maitaguyod ang pagpapaaral sa kanilang anak.
Marahil, ang dati mong asawa ay natakot sa mga obligasyong ito dahil nga sa kawalan ng pirmihang kita ng pamilya at ayaw niyang magkaroon ng malaking problema pagdating ng araw.
Sa isang mag-asawa, ang pagtutulungan ang importante. Kung kapos ang kita ng lalaki, kailangan ding humanap ng paraan ang isang kabiyak na babae na makatulong sa lalaki kung mayroon naman siyang kakayahang makatulong sa hindi maisasakripisyo ang obligasyong pantahanan.
Kahit pagtitinda ng kung anu-anong panlako ay puwede namang gawin ng isang babae kung kapos sa pananalapi ang magkabiyak.
Ang importante, pagtutulungan at pag-uunawaan para maging magaan ang dalahin ng pamilya.
Sana, ito ang maging gabay mo sa paghahanap ng kapartner para maisakatuparan mo ang pagtatatag ng isang pamilya na kahit kapos sa karangyaan ay hitik naman sa pagmamahalan at pagbibigayan.
Dr. Love
- Latest
- Trending