Dear Dr. Love,
Mainit na pagbati ang hatid ko sa iyo, Dr. Love. Hindi ko na sasabihin ang buo kong pangalan. Tawagin mo na lang akong Estel. Sa tuwing sumasapit ang Pasko at Bagong Taon, lalo akong nalulungkot at nangungulila.
Ang dahilan ay dalawang taon na akong iniwan ng aking tatlong anak. Isasalaysay ko ang dahilan. Hiwalay ako sa aking asawa. Ako ang iniwanan ng aking mister at sumama sa ibang babae.
Apat na taon akong nagtiis na wala siya. Mag-isang itinaguyod ang pag-aaral ng aking mga anak. Pero hindi ko nakayanan kaya ako’y naghanap ng lalaking makakatuwang sa aking buhay. Nagalit ang aking mga anak at ako ay kanilang iniwan. Mula noon ay hindi ko na sila nabalitaan. Ganitong panahon din nang ako’y lisanin nila. Magpapasko.
Maging ako’y napilitang makipagkalas sa pangalawang lalaki sa buhay ko dahil sa hindi siya tanggap ng aking mga supling.
Kaya nag-iisa ako ngayon sa bahay at madalas natutulala. Ano ang gagawin ko para mapawi ang aking pangungulila?
Estel
Dear Estel,
Sana’y mabasa ng iyong mga anak ang liham mong ito at maunawaan ang ginawa mo na para rin naman sa kanilang kapakanan.
Hindi ko alam kung paano ka makakahugot ng lakas para harapin ang iyong problema ngunit ang maipapayo ko’y huwag kang mawalan ng pananalig sa Diyos. Siya lamang ang makatutulong sa iyo sa panahong ito.
Katulong mo ako sa panalanging mabuo muli ang inyong pamilya.
Dr. Love
(Sa mga Overseas Filipino Workers na may problema at nangangailangan ng counseling, umugnay sa http://www.ofwonline.ateneo.edu. Ito ay bukas seven days a week. This website project specifically targets OFWs and their families in different parts of the world.)