Kahit pusakal na maton, mahal ang dugo at laman
Dear Dr. Love,
Isa pong mapagpalang araw sa inyo at sa lahat ng inyong mga kasamahan sa Pilipino Star NGAYON.
Tulad ng ibang nagsisiliham na sa inyo, ako man ay isang masugid na tagasubaybay ng inyong malaganap na column.
Nais ko rin pong maibahagi ang aking karanasan sa buhay para kapulutan ito ng aral ng libu-libo ninyong mambabasa.
Ako nga po pala ay si Ronnie Bolinas, isang inmate sa pambansang bilangguan.
Ako po ay tubong Tondo, Manila at sa kasalukuyan ay nakapiit para pagsilbihan ang sentensiyang iginawad sa akin ng korte dahil sa isang pagkakasala.
Matagal na po akong nakapiit dahil sa krimeng aking nagawa.
Kahit ako nakabilanggo, mayroon po akong babaeng naging karelasyon dito na tawagin na lang po nating Izza.
Tatlong taon kaming magkarelasyon at sa panahong yaon, ang akala ko, talagang minamahal niya ako kahit ako isang bilanggo.
Ang buong akala ko, siya ang babaeng uunawa sa akin at sa sandaling lumaya na ako, kaming dalawa ay magpapakasal.
Hanggang sa magdalang-tao si Izza. Ang tuwa ko noon. Pero ang kaligayahan ko ay napalitan ng kalungkutan.
Ipinalaglag ni Izza ang sanggol na dinadala niya sa sinapupunan.
Napaiyak ako sa galit nang sabihin niya sa akin ang kanyang ginawa.
Ang sabi ko sa kanya, pilit ko siyang inuunawa sa lahat ng mga hindi namin pagkakaunawaan. Pero ang kitilin ang inosenteng sanggol na laman ng aking laman at mula sa dugong nananalaytay sa aking katawan ay hindi ko mapapatawad.
Kahit ako isang maton ng Tondo, hindi ko magagawang ipahamak ang aking kadugo.
Ang sabi ko kay Izza, hindi niya ako mahal. Marahil, ikinahihiya niyang mayroon siyang anak na ang ama ay isang bilanggo.
Iyon lang. Kinamuhian ko si Izza.
Humingi siya ng dispensa sa kanyang ginawa at hiningi rin niya ang kanyang kalayaan.
Ang balita ko, mayroon na siyang ibang kinakasama sa ngayon.
Payuhan po ninyo ako. Gulung-gulo po ang isip ko.
Nais ko rin pong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat na matapat na uunawa sa akin at mahihingan ng payo sa sandali ng pangangailangan.
Gumagalang,
Ronnie Bolinas
Bldg. 2 Dorm 224,
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Ronnie,
Sumaiyo rin ang pagpapala ng ating Panginoon.
Malungkot nga ang naging karanasan mo. Ang inaasam mong anak ay naunsiyami dahil sa desisyon ng iyong babaeng karelasyon.
Marahil, naduwag si Izza na magsilang ng sanggol na walang matatawag na ama.
Yaman din lang na humingi na siya ng kanyang kalayaan sa iyo, hayaan mo na siya. Idalangin mo na lang ang kaluluwa ng ipinalaglag mong anak at ihingi rin ng tawad sa Dakilang Lumikha ang ginawa ni Izza.
Hangad ng pitak na ito ang kapayapaan ng iyong isip at damdamin.
Dr. Love
- Latest
- Trending