Dear Dr. Love,
Isa pong maalab na pagbati sa inyo at sa lahat na bumubuo ng Pilipino Star NGAYON.
Ako po ay isang masugid na mambabasa ng inyong malaganap na pahayagan lalo na ng inyong column na Dr. Love.
Lumiham po ako sa pagnanais na maibsan ang labis na paghihirap ng aking kalooban dahil sa kalungkutang dinaranas ko rito sa kulungan.
Ang kalungkutang ito ay hindi bunsod ng pagkakakulong ko kundi dahil sa walang nagmamahal sa akin. Parang ako ay itinatwa na ng aking mga kamag-anakan at dating mga kaibigan dahil marahil sa isa akong masamang tao.
Ngayon ko lang napagkuro kung gaano kalaki ang aking pagkakasala.
Sa pagkakakulong ko na-realize na marami akong pagkakautang sa lipunan na kailangan kong pagbayaran.
Pati ang aking sarili ay gusto kong kasuklaman dahil sa perhuwisyong naidulot ko sa lipunan at sa mga inosenteng tao na naging biktima ng aking mga kasalanan.
Nag-umpisa po ako ng aking mga kasalanan noong 15 taong-gulang pa lang ako. Masaya ako noon sa aking ginagawa.
Nagkamali pala ako sa aking akala. Kasi ang akala ko, hindi ko daranasin ang lungkot ng buhay.
Noon ko po natutuhan ang lahat ng bisyo tulad ng pag-inom, paninigarilyo at paggamit ng bawal na gamot.
Natuto akong magnakaw para masustentuhan ang aking mga bisyo.
Nakasama ako sa hold-up, snatching, carnapping at pagpatay ng tao para lang kumita.
Wala akong awa sa kapwa na pagkaraang nakawan ay pinapatay pa.
Ang hindi ko alam, sinusubaybayan na pala ako ng mga awtoridad.
Natiklo ako habang nasa akto ng pagnanakaw ng sasakyan.
Noon ko naranasan ang kaba sa aking dibdib. Nahuli ako at nakulong.
Sa piitan ko na napagtanto ang laki ng aking kasalanan.
Natuto akong magdasal at magsisi sa maraming kasalanang aking nagawa.
Hanggang ngayon, dala-dala ko pa rin ang pagsisisi ng pagkasuklam sa sarili. Kinamumuhian ako ng mga tao.
Dr. Love, tulungan mo po akong magkaroon ng mga kakilala at kaibigan sa panulat.
Tatanawin ko pong malaking utang na loob kung mapagbibigyan ninyo ako.
Maraming salamat po sa inyo at Pagpalain kayo ng ating Dakilang Maykapal.
Lubos na gumagalang,
Randy Apdasan
Student Dorm 125,
MSC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Randy,
Palaging nasa huli ang pagsisisi. Hindi mo nakikita ang iyong pagkakasala habang marami kang kasama at kaibigan.
Maraming tagasuporta. Pero sa sandaling nagsosolo ka na lalo na’t nakakulong, doon lang napagtatanto na ikaw ay nag-iisa na. Ang mga dating kakilala at kasamahan ay nagsisilayuan sa takot na madamay sa iyong kaso.
Sana’y ganap mo nang layuan ang masasamang bisyo at masasamang gawi sa sandaling makalaya ka na.
Tibayan mo ang dibdib mo lalo na’t kung makalaya ka na dahil diyan na muli magsisimula ang iyong buhay.
Maraming tuksong lumalapit sa isang nagsisi na ng kasalanan. Isang hamon iyan sa iyong sarili at sa sandaling malampasan mo na ang mga tuksong ito, diyan mo lang masasabi na ganap ka na ngang nagbago.
Hangad ng pitak na ito na makatagpo ka ng mga bagong kakilala na siyang magsisilbing gabay mo sa pagbabagong-buhay.
Dr. Love