Dear Dr. Love,
Ako po si Jhonny Lingcong, 23-anyos, tubong Dumaguete City at nakabilanggo sa salang pagpatay.
Walang-wala sa isip ko na ang babaeng inibig ko nang wagas at isinumpang pangangalagaan sa kapahamakan ay mauuwi sa kanyang pagtalikod sa akin marahil dahil hindi niya matanggap na ang kasintahan niya ay isang bilanggo.
Isang trahedya ang pumutol sa maganda naming relasyon at ngayon ay walang katapusang pagsisisi ang nararamdaman ko tuwing sasagi sa aking gunita ang naganap noong 2002.
Setyembre noon. Pauwi na kami ng aking girlfriend mula sa pamamasyal sa plaza nang kami ay harangin ng tatlong lalaki. Tinutukan ng patalim ng isa sa mga suspect ang aking nobya. Nanlaban ako hanggang sa maagaw ako ang hawak na patalim ng isa sa talong lalaking nanambang sa amin at sinaksak ito.
Kinasuhan ako ng homicide at natalo ako sa kaso. Nahatulan ako ng pagkabilanggong mula anim hanggang12 taon. Sa bilangguan, naranasan ko ang hirap hindi lang ng katawan kundi maging ng isip.
Hindi matanggap ng nobya ko ang aking pagkabilanggo kaya’t minabuti niyang humanap ng ibang higit na makapagpapaligaya sa kanya.
Masakit ang iginanti sa akin ng aking nobya. Ni hindi man lang niya ako tinulungan sa aking kaso ay pinalitan pa niya agad ako.
Kalakip ng liham kong ito ang pag-asa na sana ay may mga mambabasa na magnanais na makipagkaibigan sa akin sa panulat. Kay lungkot dito sa loob. Kung minsan, nakakatoreteng isipan ang pag-iisa.Walang dumaramay at nakakaunawa.
Ang dalangin ko, tumagal pa ang pitak ninyong ito para marami pa kayong matulungang tulad ko na nagdurusa sa kulungan.
Lubos na gumagalang,
Jhonny Lingcong
Bldg. 2 Dorm 213,
MSC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Jhonny,
Mahirap panghawakan ang pangakong katapatan ng isang kasintahan lalo pa’t kayo’y magkahiwalay.
Hindi lang ikaw ang nalulungkot. Nalulungkot din ang babaeng ipinagtanggol mo.
Habang ikaw ay wala sa kanyang piling, siyempre, may ibang lalaking sinamantala ang pagkakataon para manligaw sa kanya at mangako ring paliligayahin ang nobya mo.
Unawain mo na lang ang dati mong kasintahan. Marahil, talagang mahina siya at gaya ng sabi mo, marupok ang katapatan sa iyo.
Huwag kang mawawalan ng pag-asa. Ang krus na pinapasan mo ngayon ay isa lang bahagi ng pakikipagsapalaran sa buhay. Kung mawawalan ka ng tiwala sa Ating Panginoon, manghihina ang kalooban mo at mamamayani ang poot sa iyong dibdib.
Isa lang itong pagsubok sa iyo at kung malalampasan mo, higit na tatatag ang pag-ibig mo sa Ating Panginoon. Hindi ka Niya bibigyan ng ganitong pagsubok kung hindi mo ito kayang malampasan.