Indecent proposal
Dear Dr. Love,
Isang pinagpalang araw sa iyo, Dr. Love.
Ako po si Dennis ng Cebu City, binata at sabi ng marami ay “artistahin.”
Mahirap lang po kami at nang matapos ako ng high school, nag-ambisyon akong mag-aral sa kolehiyo. Nag-working student ako para tustusan ang tuition ko.
Nagtrabaho ako bilang driver ng isang negosyanteng babae na 35-anyos at hiwalay sa asawa bagama’t walang formal annulment.
Maluwag siya sa akin. Pagkahatid ko sa kanya sa opisina niya ay puwede na akong pumasok sa eskuwela gamit pa ang kotse niya. Susunduin ko na lang siya matapos ang aking klase.
Nagulat ako nang isang araw ay niyaya akong kumain sa labas. Madalas naming ginagawa ang pagkain sa labas pero noong gabing iyun ay nagbigay siya ng proposal sa akin.
Mag-live-in daw kami at sasagutin niya ang lahat ng kailangan ko. No commitment daw kapag nakapagtapos na ako ng college. Ang gusto lang daw niya ay companionship at katabi sa kama sa gabi.
Hindi ako isang lalaking mapagsamantala. Sabi ko’y pag-iisipan ko. Hirap akong mag-decide dahil parang siya na ang katuparan ng mga pangarap ko. Tama bang patulan ko siya?
Dennis
Dear Dennis,
Hindi tamang kumagat ka sa alok niya. Una sa lahat ay may asawa siya. At sabihin na nating annulled ang kasal niya, mali pa rin dahil gagamitin mo lang siya for convenience para matupad ang pangarap mo. Mali iyan kahit siya pa ang may alok.
Kung papayag ka sa kanyang “indecent proposal,” para ka na ring isang male prostitute na ibinebenta ang iyong pagkalalaki.
Sabihin mong paglilingkuran mo na lang siya bilang driver. At least marangal iyan. Ang ibinabayad niyang sahod sa iyo ay sinusuklian mo ng legal na serbisyo.
Dr. Love
(Sa mga Overseas Filipino Workers na may problema at nangangailangan ng counseling, umugnay sa http://www.ofwonline.ateneo.edu. Ito ay bukas seven days a week. This website project specifically targets OFWs and their families in different parts of the world.)
- Latest
- Trending