Hindi niya ako mapatawad
Dear Dr. Love,
Isa pong mapagpalang araw sa inyo at sana’y manatili kayong nasa mabuting kalagayan at kalusugan dahil kailangan namin kayo, kaming may mga problema sa puso.
Isa po ako sa libu-libo ninyong tagasubaybay kung kaya’t lumiham ako sa inyo para humingi ng mahalaga ninyong payo sa mabigat kong problemang personal.
Hindi ko po alam kung bakit nagawa kong kaliwain ang aking live-in partner.
Kasi noong una, ang akala ko, nakipag-live-in ako sa kanya para lang magkaroon ako ng isang taong magmamahal sa akin, nang isang kabiyak na kahit hindi ko mahal ay matututuhan ko ring mahalin dahil sa kanyang kabaitan at kabutihan sa pagpapasunod sa akin.
Pero natukso ako, Dr. Love. Maaaring nagawa ko iyon dahil laging abala sa trabaho si Merto. Lalo na nang magkaroon na kami ng isang anak.
Nakilala ko si Merto sa pinagtatrabahuhan kong restaurant. Isa akong waitress at si Merto ay isang cook.
Kapwa kami ulila. Wala kaming mga kamag-anak dito sa Maynila. Lumuwas kami dito sa pag-asang uunlad ang aming buhay sa kasipagan.
Maayos naman ang aming buhay at dahil nga sa masipag ang aking asawa, nakabili na kami ng isang maliit na lote na hinuhulugan at inaambisyon naming pagtayuan ng bahay sa sandaling makabayad na kami sa lote.
Pero dahil nga wala nang panahon sa akin ang aking asawa, laging maagang gumising at matulog, isang customer ang nakatukso sa akin.
Hindi pa naman noon malala ang problema dahil patuksu-tukso lang at pahipu-hipo sa kamay ang nahuli ni Merto na ginagawa sa akin ng customer na si Ben. Hindi iyon gusto ng aking asawa. Kaya, pinahinto na niya ako sa trabaho.
Lalo nang naging pursigido sa trabaho si Merto nang nag-iisa na siyang kumikita.
Kung napatawad niya ako sa aking pagiging flirt sa customer, ang huling insidente ay hindi na niya matanggap.
Nahuli kasi ni Merto at ng bago kong “fling” na nagsisiping sa aming silid. Tulog noon ang aming anak na isang taon pa lang. Pinalayas niya ako. Ipinagtabuyan at hindi niya ipinadala sa akin ang aming anak.
Noon ko lang na-realize ang bigat ng aking pagkakasala.Tinangka kong humingi ng tawad pero matigas ang kanyang desisyon. Hindi na niya ako gustong makita pa.
Natuto akong magsisi. Manalangin. Pero ayaw lumambot ang puso ng aking asawa. Sa ngayon ay muli akong namumuhay na mag-isa. Nagtatrabaho uli bilang isang waitress sa iba namang lugar na pinuntahan ko. Umaasa akong balang araw, mapapatawad din ako ni Merto.
Sa tingin po ninyo, mapatawad pa kaya niya ako? Sising-sisi po ako sa aking ginawa. Nakilala ko rin na mahal ko ang aking asawa. Kaya lang, nawala na ang pagmamahal niya sa akin.
Maraming salamat po sa pagbibigay-daan ninyo sa liham kong ito.
Umaasa ng pang-unawa,
Mely
Dear Mely,
Mabait nga ang iyong asawa. Mabuti at hindi ka sinaktan at gayundin ang kaulayaw mong lalaki nang madatnan niya kayong pinupugayan ang kanyang dangal.
Gayunman, marahil, sa sandaling maghilom na ang sugat na nalikha ng iyong kataksilan, saka ka lang mapapatawad ng iyong asawa.
Ipakita mong nagbago ka na. Huwag kang magsawa ng paghingi ng patawad at ipakita mo ring mahal mo ang iyong anak.
Subaybayan mo ang kapakanan ng iyong anak. Kahit ka ipagtabuyan ni Merto, tanggapin mo ito. Marahil, kapag nakita niyang kailangan ka ng iyong anak baka magbago ang kanyang trato sa iyo.
Dr. Love
- Latest
- Trending