Dear Dr. Love,
Isa pong mapagpalang pagbati ang nais kong ipaabot sa inyo Dr. Love at sa libu-libong tagasubaybay ninyo.
Ako po si Rhandy delos Santos Sabulao, tubong Navotas City. Siguro, isa na yata ako sa libu-libong taong hindi naging maganda ang takbo ng buhay.
Simula pa pagkabata hanggang sa umabot sa kasalukuyan kong edad, damdam ko, isa akong ulila. Kahit buhay pa ang aking ina, hindi ko man lang naranasan ang pagmamahal at pag-aaruga niya. Lumaki akong parang walang magulang na gumagabay sa tamang landas ng buhay.
Naranasan ko ang buhay na magulo hanggang sa dumating sa punto na nakadisgrasya ako ng buhay ng isang tao.
Nabilanggo ako dahil iyon. Naranasan ko ang buhay ng isang preso at kung gaano kahirap ang pinagdaraanan ng isang bilanggo. Sa bilangguan, malungkot. Gabi-gabi, idinadalangin ko at gayundin ng iba pang bilanggo, na sana’y lumaya na ako.
Maraming araw at taon ang nalagas bago ko nakamit ang pinakakaasam kong kalayaan.
Walang pagsidlan sa galak ang puso ko nang ako ay makalaya na sa piitan. Pero naging maikli ang panahon ng kalayaang ito.
Dumating na naman ang isang pagsubok sa aking buhay at hindi ko na naman naiwasan ang minsan pang pagkakamali.
Heto na naman ako, balik na uli sa paghimas ng malamig na rehas na bakal dito sa kulungan.
Pilit kong tinatanong ang sarili: Wala na bang puwang sa malayang lipunan ang tulad kong bilanggo?
Hanggang dito na lang ba iikot ang buhay naming bilanggo? Sana dumating sa buhay ko ang isang tunay na kaibigan na tutulong at gagabay sa akin na tatanggapin ako anuman ang aking pinagdaanang karanasan sa buhay.
Sana sa pamamagitan ng inyong column, dumating sa aking buhay ang isang tao na magiging kaagapay ko tungo sa pagbabago.
Hanggang dito na lang po at kalakip ng liham na ito ang malaking pasasalamat sa pagbibigay daan sa liham kong ito.
Umaasa akong matutulungan ninyo ako sa aking kahilingan na magkaroon ng kaibigan sa panulat. Kasama na rin dito ang pananalangin na sana’y patuloy kayong tumanggap ng pagpapala ng Dakilang Lumikha.
All the best and more power to you and your column.
Hope and prayers,
Rhandy delos Santos Sabulao
Dorm-B Bureau of Corrections,
Maximum Compound,
Muntinlupa City 1776
Dear Rhandy,
Walang taong likas na masama. Mga nilikha tayo ng ating Panginoong Diyos na may ipinunla Siyang kabutihan sa kaibuturan ng ating puso at damdamin.
Nakakagawa nga lang tayo ng mga lihis sa batas ng Diyos at ng tao dahil sa maling persepsiyon, maling desisyon, maling turo ng mga nakapaligid na kaibigan at kasamahan, mga nakikitang mali sa kapaligiran at mga kahinaan ng sarili tulad ng inggit, pagkaawa sa sarili at iba pang negatibong patakaran sa buhay para makaungos sa buhay.
Ang mga negatibong aspetong ito ang siyang nagbubunsod para malihis tayo sa tamang direksiyon sa buhay. Kaya mali ang kaisipan na ang mga bilanggo ay walang puwang sa malayang lipunan.
Ang piitan ay isang institusyon na humuhutok para ang mga nakagawa ng kamalian ay magbago, pumailalim sa rehabilitasyon at magkaroon ng bagong pananaw sa buhay.
Kaya sa muling pagkakadapa mo, sana, matanggap mo na kailangan mo talagang magbago at muling magkaroon ng pagkakataong makipamuhay sa lipunan.
Ang kailangan mo lang ay matiim na commitment sa sarili na hindi na uulit na lumabag pa sa umiiral na batas. Kailangan mo ang gabay ng Panginoon sa pamamagitan ng taimtim na pananalangin at ikaw ay Kanyang diringgin. Hindi pa huli ang lahat tungo sa pagbabago.
Pakinggan mo lang ang tinig ng konsiyensiya mo at huwag mo laging pairalin ang pagkahabag sa sarili dahil kamo, walang nagmamahal sa iyo.
Mahal ka ng Panginoon at ito ang pagmamahal na mas mahalaga at mas matingkad na magpapalaya sa iyo sa mga negatibong pananaw sa buhay.
Dr. Love