^

Dr. Love

Kaagapay sa pagbabago

-

Dear Dr. Love,

Isa pong mapagpalang pagbati ang nais kong ipaabot sa inyo Dr. Love at sa libu-libong tagasubaybay ninyo.

Ako po si Rhandy delos Santos Sabulao, tubong Navotas City. Siguro, isa na yata ako sa libu-libong taong hindi naging maganda ang takbo ng buhay.

Simula pa pagkabata hanggang sa umabot sa kasalukuyan kong edad, damdam ko, isa akong ulila. Kahit buhay pa ang aking ina, hindi ko man lang naranasan ang pagmamahal at pag-aaruga niya. Lumaki akong parang walang magulang na guma­gabay sa tamang landas ng buhay.

Naranasan ko ang buhay na magulo hanggang sa dumating sa punto na nakadisgrasya ako ng buhay ng isang tao.

Nabilanggo ako dahil iyon. Nara­nasan ko ang buhay ng isang preso at kung gaano kahirap ang pinagda­ra­anan ng isang bilanggo. Sa bilang­guan, malungkot. Gabi-gabi, idinada­langin ko at gayundin ng iba pang bilanggo, na sana’y lumaya na ako.

Maraming araw at taon ang nala­gas bago ko nakamit ang pinakaka­asam kong kalayaan.

Walang pagsidlan sa galak ang puso ko nang ako ay makalaya na sa piitan. Pero naging maikli ang pa­nahon ng kalayaang ito.

Dumating na naman ang isang pagsubok sa aking buhay at hindi ko na naman naiwasan ang minsan pang pagkakamali.

Heto na naman ako, balik na uli sa paghimas ng malamig na rehas na bakal dito sa kulungan.

Pilit kong tinatanong ang sarili: Wala na bang puwang sa malayang lipunan ang tulad kong bilanggo?

Hanggang dito na lang ba iikot ang buhay naming bilanggo? Sana du­mating sa buhay ko ang isang tunay na kaibigan na tutulong at gagabay sa akin na tatang­gapin ako anuman ang aking pinagdaanang karanasan sa buhay.

Sana sa pamamagitan ng inyong column, dumating sa aking buhay ang isang tao na magiging kaagapay ko tungo sa pagbabago.

Hanggang dito na lang po at kalakip ng liham na ito ang malaking pasa­salamat sa pagbibigay daan sa liham kong ito.

Umaasa akong matutulungan ninyo ako sa aking kahilingan na mag­karoon ng kaibigan sa panulat. Ka­sama na rin dito ang pananalangin na sana’y patuloy kayong tumanggap ng pagpapala ng Dakilang Lumikha.

All the best and more power to you and your column.

Hope and prayers,

Rhandy delos Santos Sabulao

Dorm-B Bureau of Corrections,

Maximum Compound,

Muntinlupa City 1776

Dear Rhandy,

Walang taong likas na masama. Mga nilikha tayo ng ating Panginoong Diyos na may ipinunla Siyang kabu­tihan sa kaibuturan ng ating puso at damdamin.

Nakakagawa nga lang tayo ng mga lihis sa batas ng Diyos at ng tao dahil sa maling persepsiyon, maling desisyon, maling turo ng mga naka­paligid na kaibigan at kasamahan, mga nakikitang mali sa kapaligiran at mga kahinaan ng sarili tulad ng inggit, pagkaawa sa sarili at iba pang nega­tibong patakaran sa buhay para ma­ka­ungos sa buhay.

Ang mga negatibong aspetong ito ang siyang nagbubunsod para malihis tayo sa tamang direksiyon sa buhay. Kaya mali ang kaisipan na ang mga bilanggo ay walang puwang sa mala­yang lipunan.

Ang piitan ay isang institusyon na humuhutok para ang mga nakagawa ng kamalian ay magbago, puma­ilalim sa rehabilitasyon at magkaroon ng bagong pana­naw sa buhay.

Kaya sa muling pagkakadapa mo, sana, matanggap mo na kailangan mo talagang magbago at muling mag­karoon ng pagkakataong maki­pa­muhay sa lipunan.

Ang kailangan mo lang ay matiim na commitment sa sarili na hindi na uulit na lumabag pa sa umiiral na batas. Kailangan mo ang gabay ng Panginoon sa pama­magitan ng taim­tim na pananalangin at ikaw ay Kan­yang diringgin. Hindi pa huli ang lahat tungo sa pagbabago.

Pakinggan mo lang ang tinig ng kon­siyensiya mo at huwag mo laging pairalin ang pagkahabag sa sarili dahil kamo, walang nagmamahal sa iyo.

Mahal ka ng Panginoon at ito ang pagmamahal na mas mahalaga at mas matingkad na magpapalaya sa iyo sa mga negatibong pananaw sa buhay.

Dr. Love

AKO

BUHAY

DAKILANG LUMIKHA

DEAR RHANDY

DORM-B BUREAU OF CORRECTIONS

DR. LOVE

HANGGANG

SANTOS SABULAO

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with