Love at first sight

Dear Dr. Love,

Isa po akong masugid na tagasubaybay ng inyong column na tunay namang nakapagbibigay ng magandang aral sa mga tulad naming bilanggo.

Kaya naman naglakas-loob din akong lumiham sa inyo para maisalaysay ang aking naging kara­nasan sa pag-ibig na siyang pinagmulan ng pagka­kapasok ko sa magulong buhay hanggang sa makulong.

Noon pong 2003, nagtatrabaho ako bilang waiter sa isang sikat na restaurant sa Makati City.

Halos dalawang taon din akong naglingkod sa restaurant na iyon na siyang nagbigay sa akin ng pag­ka­kataon para kumita at makilala ang babaeng nagpatibok sa aking puso.

Customer ko siya. Naging pampalubag-loob ko na lang na tanawin siya at maligaya na ako kung siya ay nakikita ko habang kumakain kahit nag-iisa.

Hanggang sa hindi ko napigilan ang aking sarili. Lumiham ako sa kanya at sinabi ko ang nararam­daman ko sa tuwi ko siyang nakikita. Kaya lang ay hindi ako nagpakilala sa sulat kundi sinabi ko lang na isa akong secret admirer.

Patuloy pa rin siyang kumakain sa restaurant at lagi niya akong binabati, kinakausap. Masaya na sana ako sa ganito. Pero isang gabi, habang ako ay nasa labas ng restaurant, nakita ko si Rowena at bigla siyang lumapit sa akin.

Umiiyak siya. Tinanong ko kung ano ang kanyang problema. At lumuluha siyang nagtapat na nag-away sila ng kanyang boyfriend dahil ayaw nitong pana­gutan ang sanggol na kanyang dinadala sa sinapupunan.

Awang-awa ako noon kay Rowena. Kung may­roon lang akong kakayahan sa buhay, sinagot ko na sana ang batang dinadala niya kahit hindi niya ako ibigin. Basta ang mahalaga, mabigyan ng pangalan ang sanggol at mailigtas siya sa kahihiyan.

Pero hindi ko na iyon nasabi sa kanya. Nawala na lang at sukat si Rowena. Hindi na siya nagtungo sa restaurant. Hanggang sa nabalitaan ko sa mga kaibigan niya na regular ding customer namin na nagpakamatay si Rowena dahil sa pangyayari.

Halos hindi ko matanggap ang nangyari sa aking minamahal na babae. Mula noon, nagloko na ako at nagumon sa bisyo, lalo na sa bawal na gamot. Ito ang siyang naging dahilan para ako ay makulong.

Walong taon ang sentensiya sa akin sa salang illegal possession of prohibited drugs. Habang naririto ako, ipinagpapatuloy ko ang pag-aaral sa vocational school para may kaalaman sa hanapbuhay na mabaon sa paglaya ko.

Hindi ko pa rin malimot ang aking first love, si Rowena. Nais ko pong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat para malimot ko ang kasawian ko sa buhay. Hanggang dito na lang po at more power.

Gumagalang,

Jesus Baisac

MSC, Student Dorm 216,

Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776

Dear Jesus,

Ang kahinaan ng loob ni Rowena ay ginaya mo kaya hindi mo napaglabanan ang tukso. Kung nasawi ka man sa pag-ibig, hindi dapat na mangahulugan na sirain mo ang sarili sa bisyo. Mayroon ka nang magandang trabaho pero pinabayaan mo pa.

Nangyari na ang hindi dapat na maganap kaya pagsisihan mo na lang ang nagawa mong kamalian. Gawin mong pangako sa sarili na hinding-hindi ka na gagamit ng droga. Pangako, huwag mo nang gagawin uli iyan sa sandaling lumaya ka.

Dr. Love

Show comments