Kahit man lang sa alaala
Dear Dr. Love,
Natutuwa po kami sa patuloy na pananagumpay ng inyong pitak na Dr. Love dahil paborito namin itong basahin ni Apol, ang aking kaibigan.
Ang dahilan po, nakakakuha po kami sa pitak ninyo ng magagandang aral mula sa mga payong ibinibigay ninyo sa inyong letter senders.
Kaya naman sa pamamagitan ng liham na ito, nais naming maipaabot ang aming naging karanasan para sa kaukulan ninyong pagpapayo.
Ako po si Roldan Merca, 29 years- old at ang kaibigan ko ay si Apol Sejane, 31 years-old.
Kami po ay kapwa nakapiit sa pambansang bilangguan dahil kami ay nagkasala. Nilabag namin ang batas ng Diyos at ng tao.
Ito ay amin nang pinagsisihan at pinagsisilbihan na nga namin ang iginawad sa aming sentensiya ng korte.
Ang tanging pinagkakaabalahan namin ay ang pagpapatuloy ng aming pag-aaral. Ako po ay graduating na sa taong ito sa kursong B.S. Commerce major in Marketing at si Apol naman ay third year sa naturan din kurso.
Tulad po ng dinaranas ng ibang bilanggo, kalong namin ang kalungkutan dito sa loob dahil malayo kami sa piling ng aming pamilya.
Ang kalungkutan ay pinipilit naming gapiin sa pamamagitan ng paggunita sa masasayang araw namin noon, nang hindi pa kami nakapiit.
Masaya kami noon, kasama ang mga kaibigan, mga mahal sa buhay at higit sa lahat, ang babaeng naging dahilan para kami mangarap.
Napakasaklap po ng nangyari sa amin. Iniwan po ako ng aking girlfriend dahil hindi niya matanggap na ang kanyang kasintahan ay isang bilanggo. Gayundin po ang nangyari kay Apol. Iniwan naman siya ng kanyang maybahay at sumama sa ibang lalaki.
Mahirap tanggapin pero talagang ganyan ang buhay. Kung ikaw ay nakadapa sa hirap, walang ibig magtiyaga at tumulong. Pero kailangang maipagpatuloy ang buhay.
Kahit noong una ay kapwa kami halos mawalan na ng pag-asa sa buhay, ngayon naman ay pareho naming sinisikap na makabangon at maiangat ang pagkatao sa pamamagitan ng pag-aaral.
Pareho kaming naniniwala na sa pamamagitan ng edukasyon at pagpapakabuti ay muli naming mapapanumbalik ang kumpiyansa sa sarili.
Dito sa loob, natutuhan naming pahalagahan ang buhay. Sana, makatagpo kami ni Apol ng mga kaibigan sa panulat na magsisilbing inspirasyon namin sa aming pagsisikap na mabuong muli ang aming pangarap sa kabila ng aming kasalukuyang katayuan.
Inaasahan naming sa pamamagitan ng liham na ito ay magiging maganda ang ikalawang yugto ng aming buhay. Umaasa po kami sa inyong tulong at mahalagang payo.
Sumasainyo,
Roldan Merca at Apol Sejane
4-D College Dorm,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Roldan & Apol,
Nakalulugod na mabatid na sa kabila ng mapait ninyong karanasan sa buhay at pag-ibig, natutuhan ninyong matanggap ang kamalian at magkaroon ng matiim na pagnanais na maibangon ang sarili sa pamamagitan ng magagandang aral na natutuhan ninyo diyan sa loob at sa pagpapayaman ng inyong karunungan. That’s the spirit.
Kaya ninyong mabawi ang nawala ninyong kaligayahan sa hinaharap kung tatatagan lang ninyo ang paninindigan na iiwasan na ninyo ang anumang aktibidad na magpapabagal sa inyong paglaya.
Hindi na kayo babalik sa nakaraan na naging daan sa inyong pagpasok diyan sa piitan. At huwag ninyong kalimutan ang pananalangin at matapat na paghingi ng kapatawaran ng Panginoon sa nagawang kasalanan.
Hangad ng pitak na ito na magkaroon kayo ng mga kaibigan na mag-aakay sa inyo sa tamang direksiyon ng buhay.
Good luck sa pagtalunton ninyo sa sinasabi ninyong ikalawang yugto ng inyong buhay.
Dr. Love
- Latest
- Trending