Dear Dr. Love,
Ipinaaabot ko sa inyo ang isang mainit na pagbati. Ako po ay isa lamang sa marami ninyong suki na walang sawang sumusubaybay sa inyong pitak.
Tawagin nyo na lamang akong Albert, 25 anyos at binata pa hangga ngayon. Sa edad kong ito, sampu na ang aking naging girlfriend at hindi tumagal ang relasyon ko sa kanila. Lagi nila akong kinakalasan paglipas ng dalawang buwan.
Hindi ko maintindihan ang aking sarili kung ano ang inaayawan ng mga babae sa akin.
Natatakot na tuloy akong manligaw.
May itsura naman ako at maayos magdamit. Ano kaya ang dahilan at sa mga naging kasintahan ko ay bini-break ako?
May paraan kaya para lalu akong maging kaibig-ibig sa mga babae?
Albert
Dear Albert,
Hindi kita personal na kakilala kaya mahirap sagutin ang tanong mo. Pero hindi kaya sa ugali mo kaya inaayawan ka ng babae?
Heto ang ilang dahilan kung bakit tinatabangan ang babae sa isang lalaki: Personal hygiene. Baka may bad breath ka o under arm odor. Alamin mo at iwasto ang ano mang diprensya sa katawan mo;
Kuripot. Baka naman kung I-blowout mo ang girlfriend mo ay sa turu-turo. Maging galante ka naman;
Mayabang. Isang kinayayamutan ng babae ay yung kayabangan. I-check mo ang sarili mo at baka medyo mapagmataas ka kung magsalita;
Hindi gentleman. Ang mga babae ay hangang-hanga kapag ang isang lalaki’y maginoo. Ang mga sinabi ko sa iyo’y checklist lang. Mabuti ring magtanong ka sa mga kaibigan mo kung ano ang nakakainis sa iyong ugali.
Dr. Love