Kasamaan, may hangganan din

Dear Dr. Love,

Ako po si Randy Aodasan, 26 taong-gulang at tubong Negros Occidental.

Sa kasalukuyan po ay naninilbihan ako sa hatol na iginawad sa akin ng korte matapos maaresto sa kasong carnapping at iba pang aktibidad na kina­sangkutan ko noong nasa malaya pa akong lipunan.

Ako ay 15-anyos pa lamang nang matuto akong gumawa ng mga aktibidad na masama. Ang akala ko noon, sikat ako, kinatatakutan at masaya sa piling ng aking barkada.

Nagkamali pala ako. Daranasin ko rin pala ang kalungkutan na resulta ng aking masamang gawain. Dahil sa barkada, natutuhan ko ang iba’t ibang bisyo gaya ng pag-inom, paninigarilyo at paggamit ng droga.

Lahat na yata ng kasamaan ay pinasok ko noong panahong iyon. Hindi ko akalain na darating din ang panahon ng paniningil sa aking mga utang sa lipunan.

Sinusubaybayan na pala ako ng mga may kapangyarihan. Nahuli ako at nakulong at noon ko lang nadama ang pangamba at takot. Hindi ko maintindihan ang aking sarili sa mga agam-agam na dinaranas ko.

Natuto akong magsisi sa aking mga pagka­kasala at sinisisi ko ang sarili sa aking mga kahi­naan kung bakit ako gumawa ng mga kasalanang iyon. Ito ay nang madama kong walang nagma­mahal sa akin. Kinamumuhian nila ako.

Kaya naman, humihiling ako na sana’y sa pama­magitan ng iyong column na ito, magkaroon ako ng kaibigan sa panulat at para makalimutan ko ang mga pangit kong pinagdaanan sa buhay.

Humihingi po ako ng payo sa inyo at kapa­tawaran sa mga taong pinagkasalahan ko noon. Ano po ba ang dapat kong gawin para makaiwas na ako sa masama sa sandaling lumaya na ako sa piitan?

Maraming salamat po at muli, hingi ko ang kapa­tawaran ng Diyos at mga tao sa mga kasalanan ko.

Gumagalang,

Randy Apdasan

Student Dorm 125,

MSC, Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776

P.S. 

Mayroon po akong mga kaibigan dito na nagnanais ding magkaroon ng mga kaibigan sa panulat. Sila’y sina Orlando Dote, 33 years- old, single; John F. Lopez, 37, single, at Joselito Men­doza, 28, single. Ang kanila pong address ay: MSC Camp Sampaguita, Muntinlupa City 1776.

Dear Randy,

Walang masamang naitatago at walang ma­samang gawain na hindi nalalapatan ng parusa. Kung mayroon mang patuloy na nakapagpa­pasasa sa kasamaan at hindi nabibigyan ng hustisya ang kanilang masamang gawain, may ibang kaparaanan ang Maykapal sa pag­papataw sa kanila ng katarungan.

Siguro, nahuli ka at inibig ng Panginoon na mabilanggo ka para maputol na ang ginawa mong pamemerwisyo at mapagsisihan mo ang kasalanan sa mas maagang panahon.

Sa sandaling lumaya ka na, makabubuting layuan mo ang mga kaibigang magbubulid lang sa iyo sa masama.

Hindi madali ang magpakabuti lalo na sa isang dating bilanggo. Pero tibayan mo ang sarili mo sa mga tukso para hindi ka na mabalik sa piitan.

Pagbutihin mo rin ang pag-aaral mo diyan sa loob para may kaalaman ka sa mga bagay-bagay na makabubuti sa iyong sarili at paghahanap ng trabaho.

Good luck sa pagbabagong-buhay at sana, makalaya ka na nang mas maaga kung magpa­pakabuti ka.

Dr. Love

Show comments