Dear Dr. Love,
Isang mabiyayang araw sa iyo at sana’y mapuspos ka ng biyaya ng Diyos sa pagtanggap sa sulat kong ito.
Tawagin mo na lang akong Eliza, 20-anyos. Malungkot ang kasaysayan ko. Sa hangad kong kumita ng salapi, kumagat ako sa alok ng isang recruiter sa aming probinsya sa Bicol. May sampu kaming kababaihang ni-recuit at hindi namin alam na gagawin kaming mga prostitute sa isang kasa sa Bulacan.
Anim na buwan akong naging sex-slave hanggang isang araw, ni-raid ang kasa at nailigtas kaming mga kababaihan.
Dito ko nakilala si Bert, isa sa mga pulis na kasama sa raid. Niligawan niya ako. Noong una’y naghinala akong ibig lang niya akong pagsamantalahan.
Pero habang nagtatagal, nakita ko ang kanyang pagka-maginoo. Pinuntahan pa niya ako sa aming lalawigan sa Naga. Doo’y niligawan niya ako at hiningi ang aking kamay sa aking mga magulang.
Mahal ko rin siya pero hindi kaya siya isang mapagsamantala lang? Natatakot kasi ako dahil isa akong dating babaeng bayaran.
Eliza
Dear Eliza,
Ang tanong ko’y kilala mo na bang mabuti si Bert? Unang dapat mong malaman ay kung wala pa siyang pananagutan.
Dinalaw ka niya sa inyong tahanan sa Bicol, marapat lang siguro na ipakilala ka rin niya sa kanyang mga magulang.
Kung seryoso siya, pormal silang mamamanhikan sa inyo.
At kung mapatunayan mong mabuti siyang tao, huwag mong ipagkait sa sarili mo na lumigaya at iwaksi mo na ang iyong nakalipas. Bagamat naging prostitute ka, hindi mo ito ginusto.
Dr. Love