Malupit ang lansangan

Dear Dr. Love,

Isang mapagpalang araw sa inyo.

Ako po si Bernie Cortez, 37 years-old, single at naririto sa piitan dahil naging biktima ako ng kalupitan ng lansangan.

Likas po akong masunurin sa ating batas. Hindi ko akalain na makukulong ako dahil sa pagkakasala ng iba na ang ipinangangahas ay isa silang grupo at balewala sa kanila kung mapatay man sila o hindi dahil sa sila’y malakas at may puwersa.

Noon po ay taong 1994. Tahimik akong naglalakad nang makursunadahan ako ng mga taong kalye na walang ginawa kundi mandahas sa mahihina at ipamansag ang kanilang kapangyarihan.

Tinambangan nila ako. Pinagtulungan.

Ang unang balak ko ay tumakbo para makaiwas. Pero wala na akong magawa.

Napilitan akong idepensa ang aking sarili dahil nalalagay na ako sa balag ng alanganin.

Sa pagtatanggol ko sa aking sarili, napatay ko ang isa sa kanila. Nagtakbuhan ang iba pa at isinuplong ako sa mga alagad ng batas.

Ngayon, nakakulong ako. Pinagdurusahan ang krimeng nangyari na hindi ko naman sinadya kundi idepensa ko lang ang aking sarili.

Nasaan kaya ang katarungan? Bakit ako ang nakakulong at hindi ang mga taong nag-umpisa ng gulo?

Natanggap ko na rin sana ang pagsubok na ito sa akin ng tadhana. Pero hindi maalis sa aking isipan na kung hindi ako nagdepensa sa sarili ay buhay pa kaya ako?

Sa ngayon po ay nag-aaral ako dito sa loob. Sinisikap na maibangon ang sarili sa nangyaring ito sa aking buhay.

At higit sa lahat, nalalapit na rin ang paglaya ko. Dininig din ng Diyos ang aking panalangin.

Maraming salamat po sa pagbibigay-daan ninyo sa liham kong ito at more power.

Bernie Cortez

2/F Student Dorm,

YRC, MSC Bldg. 4,

Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776

Dear Bernie,

Nakalulungkot ang pangyayari na sa kabila ng ginagawang pagsisikap ng mga awtoridad, hindi masawata ang panggugulo ng mga taong tambay at dinarahas nila ang mga taong inaakala nilang yuyukod sa kanilang kalokohan.

Naging biktima ka ng grupong nais maghasik ng takot at sindak pero nang pumalag ka at malagasan sila ng buhay, humingi ng proteksiyon sa batas na hindi naman nila iginagalang.

Nabilanggo ka dahil sa nakapatay ka ng tao. Pero hindi mo marahil napatunayang mabuti na ikaw ang biktima ng grupong ito sa ginawang paglilitis.

Mabuti naman at lalaya ka na rin. Sana, sa uulitin, iwasan mo ang mga lugar na pinamumugaran ng mga taong halang ang kaluluwa para makaiwas sa basag-ulo.

Good luck sa pagbabagong-buhay mo.

Dr. Love

Show comments