Sawi sa pag-ibig

Dear Dr. Love,

Isa po ako sa mga avid readers ng maunlad ninyong pahayagan. Nais kong ibahagi ang mapait kong karanasan sa buhay: Dalawang ulit na pagkasawi sa pag-ibig na nagbigay- daan sa pagkakabilanggo ko.  

Ang unang babaeng minahal ko nang lubos ay si Gina. I really love her. Handa kong hamakin ang lahat para siya mapaligaya. Ngunit sinubok ng panahon ang aming pag-ibig. Natukso siya at nagmahal sa iba.

Lumipas ang dalawang taon. Tanging si Gina pa rin ang laman ng aking puso at isipan. Pinilit ko noon ang sarili na limutin siya. Pero nabigo ako.

Hanggang sa isang araw, dumating uli si Gina sa buhay ko. Laking gulat ko nang kumatok siya sa aming pintuan at nang pagbuksan ko siya ng pinto, nakita kong may dala siyang batang babae.

Anak daw niya ito sa lalaking sinamahan niya. Iniwanan daw siya ng lalaking iyon. Isa raw itong iresponsableng lalaki at hindi maganda ang ugali. Nagpaliwanag siya. Humingi ng ikalawang pagkakataon.

Dahil sa mahal na mahal ko si Gina, tinanggap ko siya pati na ang kanyang anak. Nagpasya akong lumayo sa aming lugar at nagpunta kami sa lugar na walang nakakakilala sa amin.

Nagpanibagong tatag kami ng buhay. Naging maligaya naman kami. Ang anak niya ay itinuring kong sa akin.

Pero isang araw, dumating sa aming tahanan ang lalaking iyon at pilit na pinasasama si Gina at ang kanilang anak.

Nang ayaw sumama si Gina, nagbunot siya ng baril at pinagbabaril kami. Tinamaan kaming tatlo. Himalang nakaligtas ako sa tama ng punlo, pero si Gina ay sinamang palad at ang kanilang anak. Ang lalaking iyon ay nagbaril sa sarili.

Nang pagbalikan ako ng ulirat, nasa isang pagamutan na ako. Halos magunaw ang aking mundo noon. Napakasakit ang pagkamatay ni Gina. Hindi ko matanggap.

Pagkaraan ng limang taon, muli akong nagkaroon ng nobya, si Bhebz. Mabait din siya at mapagmahal. Dahil sa kanyang pag-aaruga, tuluyan nang naghilom ang sugat sa aking puso.

Subali’t isang araw, nadatnan ko si Bhebz na binabastos ng dalawang lalaking addict. 

Kinausap ko sila at pinakiusapang huwag bastusin ang girlfriend ko. Pero nagbunot sila ng patalim. Wala akong nagawa kundi ipagtanggol ang sarili at sa prosesong ito, napatay ko sila.

Kaya, nakakulong ako ngayon. Kay lupit talaga ng kapalaran ko. Parang hindi ko na yata kaya ang problema ko. Payuhan mo po ako.

Lubos na gumagalang,

Francis Wagas

Maximum Compound,

Dapecol, Davao del Norte 8105

Dear Francis,

Hindi talaga ukol sa iyo ang dalawang babaeng minahal mo. Kay Gina, iniwanan ka na, tinanggap mo pa.

Bagaman sinabi ng iyong mga kaibigan at mga kamag-anakan na naging bulag ka at pinanaig mo ang puso kaysa isip, hindi mo pinansin ang mga payo nila.

Sa ikalawang pagkakataon, umibig ka muli. Pero ang babaeng ipinagtanggol mo ay nagtalusira naman sa iyo.

Marahil, may ibang nakatadhana para sa iyo at darating ito sa sandaling mapagsisihan mong lahat ang mga kamalian mo sa desisyon at paglalagay sa mga kamay mo ng batas.

Hindi ka pababayaan ng Panginoon. Lagi kang tumawag sa Kanya at bibigyan ka Niya ng bagong umaga.

Dr. Love


Show comments