Dear Dr. Love,
Greetings to you. Tawagin mo na lang akong Bernard, 30-anyos at may kasintahan.
Limang buwan pa lang kami ng girlfriend ko at ang paniniwala niya ay mayaman ako.
Napangakuan ko siya ng engrandeng kasal sa Manila Cathedral na ang reception ay sa Manila Hotel.
Hindi niya alam na family driver lang ako at paminsan-minsan ay naitatakas ko ang magarang chedeng ng aking amo. Maluwag kasi ang boss ko at kapag nasa opisina siya, okay lang na gamitin ko ang kotse niya basta’t naroroon ako everytime na kailanganin niya.
Isang simpleng sekretarya lang sa isang kompanya ang girlfriend ko. Hanggang sa kamakailan ay nagyayaya na siyang magpakasal kami. Ipinakilala na niya ako sa kanyang mga magulang at kapatid at ang gusto nila’y makilala rin ang mga magulang ko.
Mahirap lang ang pamilya ko at kapag ipinakilala ko sila’y tiyak na madidismaya sila. Ano ang dapat kong gawin?
Bernard
Dear Bernard,
Problema nga iyan. Pero dalawang bagay ang puwede mong gawin. Ang una’y ipagtapat mo sa iyong kasintahan ang totoo. Ihanda mo lang ang iyong sarili sa magiging reaksyon ng kasintahan mo at ng kanyang pamilya.
Pangalawa, magtago ka na kung hindi mo kayang harapin ang consequence ng problemang gawa mo.
Sana’y magsilbing aral sa iyo ang problema mo ngayon. Kung mahirap ka lang, huwag kang magpapanggap na mayaman dahil darating ang puntong magkakabistuhan. Kapag nangyari iyan, ikaw ang kahiya-hiyang lalabas.
Dr. Love