Hiwalay, gustong mag-asawa muli

Dear Dr. Love,

Ako po si Rina, isang market vendor at hiwalay sa asawa. Kasal ako sa asawa ko at may dalawang anak.

Tatlong taon na siyang wala sa aming piling magmula nang sumama sa ibang babae.

Wala na rin akong komunikasyon sa kanya. Ang problema ko ay ito. May kasintahan ako ngayon. Sa gulang kong 41, bata pa kasi ako at nangangailangan din ng partner sa buhay.

Ayaw ko munang makipag-live-in sa aking boyfriend dahil alam sa aming lugar na may asawa ako. Palihim lang kung kami’y magtagpo.

Gusto ko sana na pakasalan siya pero papaano? Baka ako makasuhan ng bigamy. Ano ang dapat kong gawin?

Rina

Dear Rina,

Hindi ako abogado pero sa tingin ko’y puwedeng ma-annul ang inyong kasal dahil naging taksil sa iyo ang iyong asawa.

Ang problema ay hindi mo na siya ika mo mahagilap. Pero tama ka sa desisyon mong huwag makipag-live-in dahil kasal ka sa lalaking nag-iwan sa iyo.

Ang mabuti mong gawin ay kumonsulta ka sa abogado para malaman mo ang mga hakbang na puwede mong gawin sa pagpapawalang-bisa ng iyong kasal.

Dr. Love

Show comments