Sorpresa
Dear Dr. Love,
May the Lord bless you always!
Isang masaganang pangungumusta sa inyong lahat diyan sa Pilipino Star NGAYON.
Isa po ako sa libu-libong tagasubaybay ng inyong pahayagan, lalo na po ang column ninyong Dr. Love.
Tulad ng ibang nakapagpadala na ng kanilang liham sa inyo, minabuti kong sumulat din sa inyo para maibahagi ang kasaysayan ng aking naunsiyaming pag-ibig.
Tawagin mo na lang po akong Antonio, taga-Montalban, Rizal at lumaking walang nagisnang mga magulang at kamag-anak.
Lumaki ako sa isang orphanage at ang nag-alaga sa akin ay mga pari at madre na siyang nagsilbi kong mga magulang.
Sila ang nagpaaral sa akin hanggang sa makatapos ako ng Engineering.
Dala ng kalagayang pampulitika sa bansa, hindi agad ako nakatagpo ng trabaho. Pero minabuti kong mag-apply sa Taiwan, ang bansang tumanggap sa akin sa trabaho.
Halos hindi ako makatagal sa lungkot. Pero tiniis ko ito dahil kailangan kong magtrabaho at tapusin ang tatlong taong kontrata.
Pagkaraan ng isang taon, may nakilala akong babae, si Ma. Lucille Vargas.
Sa kanya umikot noon ang buhay ko. Naging masaya ako sa kanyang piling. Walang pagsubok na dumating sa buhay ko noon na hindi ko nakayanan.
May inspirasyon kasi ako sa katauhan ng nobya ko. Basta’t kasama ko si Lucille napapawi ang aking problema at wala akong nadaramang kalungkutan.
Bumuo kami ng mga pangarap. Nagsumpaang walang makakalimot sa isa’t isa at nagplano na kaming pakasal sa sandaling matapos na ang aking kontrata.
Naunang natapos ang kontrata ni Lucille. Kaya nauna rin siyang umuwi sa Pinas at ako ay naiwang namimighati sa lungkot.
Pero nakayanan ko ito. Malimit kaming magtawagan sa telepono.
Malimit, ayaw nang sagutin ni Lucille ang mga tawag ko.
Nagtataka ako. Ngunit ang sabi ko sa sarili ko, marahil, ayaw niyang maabala ako sa trabaho at gayundin naman siya.
Halos hilahin ko na ang panahon hanggang sumapit ang pinakahihintay kong pagtatapos ng kontrata sa empleyo. Noon ay Nobyembre 1994.
Umuwi na nga ako. At hindi ko iyon isinulat sa kanya. Sosorpresahin ko siya, sabi ko sa sarili. Pero ako pala ang nasorpresa.
Pagbungad ko pa lang sa kanilang tahanan, hindi ako nakahuma. Mayroon na siyang pamilya.
Ngitngit ang umalipin sa akin. Nagpupuyos ang aking damdamin sa galit. At dahil dito, napatay ko ang kinakasama ni Lucille.
Sumuko ako sa mga awtoridad. Mula nang makulong ako, wala na akong balita kay Lucille.
Sa pamamagitan ng liham na ito, nais kong malaman niya na pinagbabayaran ko na ang nagawa kong pagkakasala.
Nais ko ring malaman ni Lucille na balang araw, makakatagpo rin ako ng babaeng tapat na magmamahal sa akin sa kabila ng trahedyang naganap na nakapagpabago sa aking buhay.
Maraming salamat po sa pagbibigay-daan ninyo sa liham kong ito. Sana, kapulutan ito ng aral ng inyong mga mambabasa.
Lubos na gumagalang,
Antonio Magbigay, Jr.
Bldg. 2 Dormitory 239,
MSC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Antonio,
Salamat sa liham mo. Nanghihinayang ang pitak na ito sa pagkasira ng iyong buhay dahil sa kabiglaanan at hindi pinag-isipang pagpaslang sa taong itinuring na siyang umagaw sa iyong kaligayahan.
Kaya lang, hindi sulit ang ginawa mo dahil ang lalaking napatay mo ay maaaring biktima rin ng pandaraya ng babaeng minahal mo at pinangakuang pakakasalan.
Sino ba sa inyo ang nauna? Ikaw ba ang unang tinanguan ni Lucille bago niya nakilala ang kinakasama niya? O magkasintahan na sila nang pumasok ka sa pagitan nila?
Anyways, hindi mo sana inilagay ang mga kamay mo sa batas.
Hindi rin ito makatarungan sa lalaking napaslang mo, habang malaya ang babaeng nagtalusira sa iyo. Puwede pa uli siyang makapambiktima.
Idalangin mo sa Panginoon na sana’y patawarin ka Niya sa nagawang kasalanan.
Dr. Love
- Latest
- Trending