Dear Dr. Love,
Bayaan mo munang kumustahin kita kasama na ang mga kasamahan mo sa Pilipino Star NGAYON at ang maraming mambabasa ng Dr. Love.
Tawagin mo na lang akong Lovely, 24- anyos at isang call center agent.Minsang papauwi na ako sakay ng isang bus, may tumabi sa akin na isang lalaki.
May itsura siya at mukhang mabait. Nakipagkilala siya sa akin at nalaman ko na ang pangalan niya ay Robert.
Hindi ko malaman kung bakit parang naging sunud-sunuran ako sa kanya. Mahusay siyang magsalita at parang may gayuma ang kanyang mga tingin.
Niyaya niya akong mag-breakfast sa isang fast food chain at doon nagsimulang mahulog ang loob ko sa kanya. Para bang ang bawat salita niya ay nakakaakit sa akin.
Nang yayain niya akong pumasok sa isang motel, ewan ko ba kung bakit hindi ako makatanggi.
Hindi ko alam na nakita pala kami ng aking kuya kaya sinubaybayan ako. Nang pumara ng taksi si Robert ay doon na ako sinita ng aking kapatid. Para akong nahimasmasan.
Nang sigawan ng aking kuya si Robert ay pumasok na lang siya sa taxi at umalis.Sa daan pa lang ay kinagalitan na ako ng kapatid ko pero sinabi ko sa kanya na nawala ako sa aking sarili at ikinuwento ko kung paano kami nagkakilala ni Robert sa bus.
Inilalahad ko ang kasaysayan ko hindi para humingi ng payo kundi upang magsilbing aral sa ibang kababaihan na laging umuuwi ng dis-oras.
Sana ay magsilbing aral ito sa kanila.Salamat sa pagpapaunlak mo sa aking liham.
Lovely
Dear Lovely,
Salamat sa pagsi-share mo ng iyong karanasan. Ngayon lang ako nakarinig ng ganyan.
Karaniwang nababalitaan natin ay yung mga taong nakukuhanan ng malaking halaga ng mga masasamang loob sa pamamagitan ng hipnotismo.
Budol-budol ang tawag diyan.Hindi ko akalain na ginagamit na rin iyan sa tangkang makapagsamantala sa mga kababaihan.
Sana’y kapulutan ng aral ng ibang kababaihan ang karanasan mo.
Maraming salamat.
Dr. Love