Insecurity

Dear Dr. Love,

Kumusta po kayo Dr. Love? Sana’y nasa ma­ganda kayong kalusugan sa pagtanggap n’yo sa sulat ko.

Paborito kong basahin ang kolum mo sapul pa noong ako’y teenager. Tawagin mo na lamang po akong Rosele. Ngayon po’y 26-anyos na ako at may dalawang anak.

Matagal ko nang gustong sumulat pero nauu­nahan ako ng hiya dahil may pagka-personal ang problema ko. Kaso, hindi ko na matiis ang nang­yayari sa amin ng aking asawa.

Gusto ko pong ikonsulta sa inyo ang nararam­daman kong matinding insecurity sa aking asawa.

Nagtataka lang po ako sa inuugali ngayon ng mister ko. Dati’y magiliw siya sa akin. Hinahalikan ako pagdating niya mula sa trabaho. Ngayon ay basta na lang siya papasok sa silid at agad matutulog.

Nang tanungin ko siya, sabi niya’y pagod lang siya sa trabaho. Isa po siyang supervisor sa isang pabrika. Ano po ba ang palatandaan ng lalaking may kinalolokohang iba? Sana ay mapagpayuhan mo po ako, Dr. Love at ito’y tatanawin kong mala­king utang na loob.

Rosele

 

Dear Rosele,

Kung nagbabago ang ugali ng asawa mo, tanu­ngin mo rin ang iyong sarili. Baka napapa­bayaan mo rin ang iyong sarili komo mag-asawa na kayo.

Nag-aayos ka pa ba ng iyong sarili para pag­dating niya ay maganda ka at mabango?

Maraming babae ang ganyan. Daratnan ng kanilang asawa na amo’y kusina. Okay lang gam­panan ang mga gawaing-bahay pero huwag mo namang pabayaan ang iyong sarili.

Bago siya dumating, maligo ka at mag-ayos sa sarili at ikaw ang unang yumakap at humalik sa kanya pagdating mula sa trabaho.

Dr. Love

Show comments