Ipinagpalit sa karangyaan
Dear Dr. Love,
Malugod akong bumabati sa iyo at sa lahat ng avid followers ng malaganap mong kolum. Sana’y nasa mabuting kalagayan ka sa pagtanggap mo ng sulat na ito.
Itago mo na lang ako sa pangalang Tom, 35 taong-gulang. May dalawang taon na kaming hiwalay ng misis ko matapos ang sampung taong pagsasama.
Iniwanan ako ng asawa ko dahil sa udyok ng kanyang mga magulang. Ang dahilan ay mahirap lang kami. Hindi ko maibigay ang layaw ng aking asawa na lumaki sa isang pamilyang mayaman.
Nang iwanan niya ako ay wala akong mabanaagang pagsisisi sa kanyang anyo. Sa tingin ko’y nasagad na rin siya sa hirap sa piling ko. Dala-dala niya ang nag-iisa naming anak.
Ngayo’y mayroong naka-file na annulment ng aming pagsasama at ang sinasabi nilang dahilan ay marital infidelity. Pero sa totoo lang, mahal ko ang asawa ko at hindi ako nagtaksil minsan man sa kanya.
Nag-iisa ngayon ako at nangungulila.
Ano ang maipapayo mo?
Tom
Dear Tom,
Maaari kang lumaban at pasinungalingan ang kanilang paratang pero ang asawang determinadong humiwalay ay hindi mapipilit bumalik sa iyo.
Kung mahal ka niya talaga, dapat ay handa ka niyang ipaglaban at kasama mo siyang nagtitiis sa hirap at ginhawa.
Pero dahil nagpaudyok siya sa kanyang mga magulang, nangangahulugan na hindi siya sanay sa hirap at mas mahalaga sa kanya ang sarap ng buhay kaysa sa iyo. Siguro tanggapin mo na lang ang masakit na katotohanang iyan.
Dr. Love
- Latest
- Trending